Short Film 101SEQ. 1/ INT./ LOOB NG UTAK KO/ MADALING ARAW
Pinagtatawanan natin ang mundo, at ‘di natin mapigil ang mga sarili natin sa pagpuna ng lahat ng uri ng kaululan ng sangkatauhan. Mapusyaw ang ilaw, malumanay, at may dalang init at dampi ng ligaya sa kalooban. Sa kakatawa, napatingin tayo sa isa't isa IKAW: Masayahin ka pala! Tumawa pa tayo nang mas malakas. Bumagal ang tawanan. Tumigil. Nanahimik ako. AKO: Di naman lahat ng malulungkutin, nakasimangot. Dumilat ako. FADE TO REALITY SEQ.2/ INT./ LOOB NG BAWAT TALATA/ UMAGA Pinapakawalan ko ang bawat salita at marahang hinuhubog, isinasaletra papaloob sa aking mga tula. Ang bawat pangungusap ay nadaragdagan pa ng mga panibagong pangungusap, hanggang sa banaag ko na ang linya ng iyong labi, na tila nagkukubli sa bawat tuldok at panandang pananong. Pinagmasdan kita. Inilapat ang dulo ng aking daliri sa huling salitang binigyang tinta. AKO: Sinong may sabing hindi kayang gumuhit ng mga manunulat? Sadyang mapusok at mapagpanggap yaring mga ngiti. FADE TO NOWHERE SEQ. 3/ INT/ LOOB NG BAWAT HIKBI/ HAPON Tumatagos ang mga huling silahis ng araw sa bintana, kumakawala sa bawat salamin, nagtataglay ng kung anong init sa kalooban. Nasa dulo na ako ng aking mga pangarap, at bawat sanaysay ay wawakasan ko na. Nakahimlay ka sa bawat pahina ng aking talaarawan. Ang hapdi ng walang maliw na paglimot sa nakaraan. END
0 Comments
|
AuthorWrite something about yourself. No need to be fancy, just an overview. ArchivesCategories |