CITY OF MALOLOS, Bulacan-- Maluwalhating naidaos kahapon ng Hiraya Kolektib ang pagsasapubliko ng kanilang kauna-unahang album na pinamagatang ‘Kapaan’. Ang nasabing album launch ay nagtampok ng 14 na tulang nilapatan ng musika. Ang mga awiting nakasama sa album ay isinulat mismo ng mga miyembro ng nabanggit na organisasyon. “Ang album na ito ay karugtong ng aming libro.” pahayag ni Valiant Gomez, ang kasalukuyang pangulo ng Hiraya Kolektib. Ayon pa kay Gomez, nilapatan nila ng himig at tono ang mga tula upang mas lalong ganahan ang mga estudyanteng suriin ang bawat mensahe ng mga awitin. Matatagpuan ang mga liriko ng bawat kanta sa librong inilimbag ng Hiraya Kolektib noong Pebrero ng kasalukuyang taon, sa ilalim ng parehong pamagat. Ang mga awiting nakabilang sa album ay naglalaman ng mga iba’t ibang mensahe, mula sa pag-ibig, kalagayan ng lipunan, pang araw araw na buhay ng mga kabataan, hanggang sa mga mensaheng progresibo at tungkol sa mga manggagawang Pilipino. “Namili kami ng mga tulang di lamang magandang pakinggan at madaling lapatan ng musika, ngunit mga tulang talagang may mensaheng gustong sabihin. Di lang siya tula, ngunit may sinasabi siya.” dagdag pa ni Gomez. “Ito ay soft launching pa lang ng aming album. Patikim pa lang ito. Niluluto na namin ang pinaka grand launching.”, pahayag ni Julius Gregorio, core member ng Hiraya Kolektib. Dagdag pa ni Gregorio, mga paunang awitin pa lamang ang labing apat na nakasama sa album at maaari pang madagdagan sa araw ng susunod na launching. “Nakapaloob dito ang estado at daloy ng lipunan. Di lang ito tungkol sa kulturang popular sa Pilipinas. Ginamit namin ang media upang maipaabot naming ang aming mensahe.” paglalahad ni Gregorio. Pinagiisipan ng grupong isagawa ang grand launching sa buwan ng Oktubre. Inawit naman ng mga piling miyembro ng Hiraya Kolektib ang ilang awitin mula sa album, tulad nang: Paraiso, ni Camille Agatep; Makinaryang Bisig, ni Michael Angelo Santos; Gazebo, ni Cathleen Olaes; Klasmeyt, ni Ma. Jhozel Fernandez; at Korona, ni Julius Gregorio, bilang patikim ng mga nilalaman ng album. Nang tanungin naman si Gomez tungkol sa mga napipintong aktibidades ng Hiraya, nasabi ng presidente ng organisasyon, na bukod sa grand launching ng Kapaan album, ay nagbabalak rin ang organisasyong maglathala ng panibagong libro na naglalaman ng mga sinulat na dagli ng mga miyembro. Napapagusapan rin ng organisasyong magdaos ng iba pang cultural event na nagpapakita na di lamang sila sa pagsulat magaling, ngunit sa marami pang bagay. “Suportahan niyo ang mga kapwa niyo estudyante. Suportahan niyo ang sining na ginagawa namin. Tulong tulong tayo sa pagsalba sa kultura ng Bulacan.” mensahe naman ni Gomez para sa mga kapwa niya ka-BulSUan. Ang Hiraya Kolektib ay isang organisasyon na binubuo ng mga estudyanteng manunulat, karamihan ay mula sa kurso ng Malikhaing Pagsulat ng Bulacan State University. Naglalayon ang grupong isulong ang kahalagahan ng kultura at sining sa pamamagitan ng literatura.
0 Comments
Nagpulong ang mga raliyista buhat sa iba’t ibang sector ng lipunan sa Commonwealth, Quezon City upang idaos ang kanilang pagmamartsa kontra pamahalaan sa kasagsagan ng State of the Nation Address o SONA ni Pangulong Noynoy Aquino.
Kaugnay nito’y nauna nang sinabi ni Communication Secretary Hermino Coloma Jr. na inaasahan na nila ang pagdagsa ng mga raliyista sa araw ng SONA. Ayon sa kanyang pahayag sa isang radio, walang balak ang palasyo na pigilan ang mga raliyistang isagawa ang kanilang kilos protesta. “Ang mga mamamayan naman po ay merong karapatang magpahayag ng kanilang saloobin sa ano mang isyung kinakaharap nila at bahagi po ito ng demokratikong proseso. Ang panawagan lang namin ay panatilihing maayos at maging masunurin sila sa batas sa kanilang pamamahayag,” saad niya. Tinawag ng mga raliyistang “SONA ng Bayan” ang kanilang pagtitipon. Naglunsad sila ng mga programa sa kalagitnaan ng kanilang pagmamartsa upang maipaabot ang kanilang mga hinaing sa kasalukuyang pamahalaan, lalo na sa usapin ng Disbursement Acceleration Program o DAP. Ilan sa mga nagtanghal sa kanilang programa amga mananayaw at mga mangaawit na kumanta ng mga Tagalog na awitin. Ang mga raliyista’y naniniwalang mainam ang paggamit sa sining upang maipaabot nila ang kanilang mensahe. Ayon kay Lina De Guzman ng grupong Manggagawa Pangkultura Mula sa Timog Katagalugan, ayon sa kanyang sinabi sa isang pahayagan, kaagapay ng taumbayan ang sining sa pag unlad ng kalagayan ng lipunan. Sinasabing nasa 15, 000 hanggang 30, 000 raliyista ang nagsama sama sa pagmartsa, ngunit pinabulaanan naman ito ng QCPD at sinabing nasa 8000 lamang daw ang dumalong raliyista ngayon. Samantala, ayon naman kay Superintendent Dionisio Bartolome ng QCPD, mula sa isang pahayagan, sinabi niyang handa ang buong kapulisan sa nasabing pagmartsa. Nagtayo sila ng apat na sunod sunod na harang para mapigilan ang mga raliyistang mapalapit sa Batasang Pambansa, kung saan idadaos ang SONA. Nagkalat rin sila ng mga anti-riot police sa pagdadausan ng rally. Mga bandang 4:45 naman ng hapon ay sinunog naman ng mga raliyista ang PNoy effigy na kanilang inihanda, simbolo ng kanilang dismaya sa kasalukuyang pamahaalaan. Ganap na 5:07 ng hapon ay tuluyan na ngang nagkagulo sa Commonwealth, kung saan nagkakasakitan na ang grupo ng mga pulis at ang grupo ng mga raliyista. Tipatan ng mga hose ng tubig ang mga raliyista upang mapatigil sila sa kanilang pagmartsa. Kasalukuyang ginagawa pa rin ang kilos protesta habang isinusulat ang artikulong ito. Inihatid ni Pres. Benigno Simeon Aquino sa taumbayan ang kanyang ikalimang Talumpati sa Kalagayan ng Bansa o State of the Nation Address (SONA), na idinaos ngayong araw, July 18, 2014, sa Session Hall ng Batasang Pambansa, sa ganap na alas kwatro ng hapon.
Agad binuksan ang talumpati sa pag awit ng Lupang hinirang, na nasundan naman ng isang panalangin mula sa apat na lider ng iba’t ibang sekta ng relihiyon sa bansa. Sumunod ay ang paunang bati ng pangulo kay Bise Presidente Jejomar Binay, Dating Pangulo Fidel V. Ramos, Senate President Franklin M. Drilon, mga miyembro ng Senado, Speaker Sonny Belmonte Jr. at miyembro ng Kamara, Chief Justice Maria Lourdes Sereno, mga mahistrado ng Korte Suprema, mga diplomatiko, mga opisyal ng local na pamahalaan, mga kasapi ng unipormadong hanay, at ang panghuli ay sa kanyang mga boss—ang taumbayan. Sa kanyang SONA, binigyang diin ng Pangulo ang mga nakamit ng industriya ng imprastraktura sa Pilipinas, Edukasyon, social welfare, at modernisasyon ng Hukbong Sandatahan. Inilahad ni PNoy sa kontribusyon ng DAP sa larangan ng edukasyon. Sinasabing Php. 1.6 Billion ang naibigay na pondo ng DAP sa 220, 000 iskolar ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA), at sinasabing 66% na nagsitagpos dito ay may trabaho na. Kaakibat nito’y paglalabas ng isang Audio Visual Presentation ng mga testimonya ng dalawang naging benepisyaryo ng nasabing iskolarship na sina Marc Joseph Escora at Jonnalyn Navarossa. Iginiit din ni PNoy ang kahalagahan ng pag-angat ng antas ng imprastraktura ng bansa sa paglago ng ekonomiya. Sinabi niyang mula Php 20.3 Bilyon noong 2011, tumass ito sa Php 404. 3 Bilyon ngayong 2014. Sinabi rin ng Pangulo, na dahil sa pamumuno ni Secretary Babes Singson ng DPWH, unit unting natatapalan ang mga butas sa sistema ng ahensya, na nagresulta sa halos Php 28 Bilyon na naisalbang pondo mula sa mga proyektong isanasagawa ng nasabing ahensya. Sa kasalukuyang taon, 12, 184 Kilometro na ang nagagawang kalsada ng nabanggit na ahensya. Kaugnay nito’y, iginiit din ng Pangulo ang pag aksyon ni Sec. Singson sa mga nabiktima krisis sa Zamboanga noong nakaraang taon. Php 3.5 Bilyon ang inilaan sa imprastraktura sa nasabing lugar, at sinasabing naipamahagi nan g DPWH at NHA. Umabot naman sa Php. 3.583 Bilyon ang naipamahagi para sa rehabilitasyon ng Central Visayas, na tinamaan naman ng lindol noong nakaraang taon rin. Hindi naman nabanggit kung magkano ang inilaan para sa rehabilitasyon ng mga nasalantang lugar ng Yolanda, na naranasan rin ng Pilipinas noong nakaraang taon. Sinasabing 1.47 na pamilya ang nabiktima ng nasabing bagyo, at 44 sa 81 na probinsya ang nabayo nito. . Ngunit, pinasalamatan ng Pangulo ang miyembro ng kanyang gabinete, na ayon sa kanya’y, malaki ang naiambag sa mga panahon ng pagbangon mula sa Yolanda. Ayon rin sa SONA ni PNoy, tuloy tuloy rin ang modernisasyon ng Hukbong Sandatahan ng bansa. Patuloy na umaangkat ng mga helicopters ang military tulad ng walong Sokol Combat Utility Helicopters, tatlong AgustaWestland-109 helicopters, at UH-1 helicopters at 2 navy cutters. Ibinida rin ni PNoy ang kauna-unahang landing craft utility ship na ginawa dito mismo sa ating bansa, ang BRP Tagbanua. Patuloy ring pinapagibayo ang ilang kagamitan ng military tulad ng Kevlar Helmets, 50, 629 units ng M4 Assault Rifles. Hindi naman nabanggit kung magkano ang inilaang pondo para rito, ngunit ayon sa Pangulo’y Php 1.2 Bilyon ang naging katipiran sa buong proseso para sa mga naangkat na sandata. Para sa panghuling parte ng SONA, sinabi ng Pangulo na ang taumbayan ang susi sa pagpapatuloy ng positibong pagbabago na nangyayari sa bansa. “ Buong-buo ang tiwala ko, nasa eksena man ako o wala, tutungo ang Pilipino sa tama niyang kalalagyan.” dagdag pa niya. MALOLOS, Bulacan – “Hindi totoo na ‘pag nag-comment ka (lang), ligtas ka na.”, iyan ang pahayag ni Atty. Julius Victor Degala patungkol sa malalimang diskusyon patungkol sa Cyber Libel na ginanap kahapon.
Ang diskurso ng Cyberl Libel ay isa sa mga bahaging natalakay sa idinaos na “(Dis)Covering Disasters: A Disaster Reporting Seminar” na ginanap July 14, 2014, sa Hiyas ng Bulacan Convention Center. Ang mga nagsipagdalo ng nasabing seminar ay mga 3rd year at 4th year Journalism students buhat sa Bulacan State University at La Consolacion University of the Philippines, at ilang mga social media users tulad ng mga miyembro ng Balitang Malolos Facebook Group na pinangungunahan nina Rainelda Dasas Quetua at Einnam Del Rosario Payongayong Ang Cyber Libel ay pampubliko at malisyosong paninira na inilathala sa pamamagitan ng computer Inilatag ni Atty. Degala ang kabuuang konsepto ng Cyber Libel na parte ng R.A 10175 o mas kilala sa tawag na CYBERCRIME PREVENTION ACT OF 2012. Binigyang diin din niya ang mga maling akala patungkol sa Cyber Libel, at ang mga implikasyon kung sakaling mahuhuli ng sino mang mapapatunayang nagkamit nito. Ayon kay Atty. Degala, sa mga nakaraang panahon, ang isang taong kinasuhan ng libelo ay maaaring magsumite sa sistema ng Subok Laya o Probation System kung mapapatunayan niyang ang kanyang sintensya’y hindi hihigit sa anim na taon, alinsunod na rin sa Presidential Decree No. 968. Ang Subok Laya o Probation System ay gumagarantiya sa mga taong kinasuhan na hindi sila makukulong at ang lahat ng record ng kanilang kaso sa lahat ng dokumento ng gobyerno ay mawawala. Ito ay para maiwasan ang negatibong pananaw ng lipunan sa mga ex-convict, ayon kay Atty. Degala. Ngunit dahil sa R.A. 10175, ang sintensya ng Cyber Libel ay lumalagpas ng anim hanggang sampung taon, nangangahulugan na hindi na maaaring pumasok a Subok Laya ang mapapatunayang nagkamit ng Cyber Libel. Ipinaliwanag rin niya na ang mga taong nag-like, nag-comment, at nag-share ng isang lathalain sa internet, na maituturing na libelous, ay hindi maaaring patawan ng Cyber Libel. Ang tanging maaaring kasuhan lamang ay ang siyang nagsulat ng libelous post sa internet. Ngunit, ang sino mang magkokomento sa isang post, na mapapatunayang hindi lamang nagbigay ng reaksyon sa orihinal na post ngunit nagkomento pa ng panibagong paninirang puri, ay maaaring kasuhan ng Cyber Libel. “Comment per se, in relation to the (original) post is not punishable by law. But if you make a comment that is clearly defamatory, it is libelous and considered as original post. And therefore, the person who makes that libelous comment is liable for libel.” Aniya ni Atty. Degala. “Iba po yung sa Facebook, iba po sa blog site. Sa Facebook, may original post at nagcomment ka, okay lang yun, if the comment is connected to the original post. Sa blog site, the blog owner is liable for whatever comment na nilagay sa kanyang blog.” Dagdag pa niya. Ang R.A. 10175 o ang CYBERCRIME PREVENTION ACT OF 2012, ay isang batas sa Pilipinas na naaprubahan noong Setyembre 12, 2012 at naglalayong mapanagot ang sino mang mahuhuling gumagawa ng cybersquatting, cybersex, child pornography, at identity theft. Naging kontrobersyal ito dahil sa probisyon nitong naggagawad ng Cyber Libel, na siya namang pinuna ng mga media practitioners, grupo ng mga abogado, at malaking posrsyento ng netizens sa Pilipinas. MALOLOS, Bulacan – Matagumpay na idinaos ng iba’t ibang Journalism groups sa bayan ng Bulacan ang isang seminar na tumatalakay sa mga hakbang ng nasabing lalawigan sa mga sakunang posibleng kaharapin nito.
Ang seminar, na pinamagatang “(Dis)Covering Disasters: A Disaster Reporting Seminar”, sa pangunguna ng NUJP-Bulacan, Radyo Bulacan, PPI, Mabuhay, Mabuhay Online, PromdiNews, at NewsCore, ay ginanap noong July 14, 2014, ala-una ng hapon, sa Hiyas ng Bulacan Convention Center. Ang nasabing seminar ay dinaluhan ng mga 3rd year at 4th year Journalism students buhat sa Bulacan State University at La Consolacion University of the Philippines, at ilang mga social media users tulad ng mga miyembro ng Balitang Malolos Facebook Group na pinangungunahan nina Rainelda Dasas Quetua at Einnam Del Rosario Payongayong Ang nabanggit na seminar ay naglalayung maipahiwatig sa mga estudyante mula sa mga nabanggit na unibersidad, ang mga importanteng bahagi na dapat pagtuunan ng pansin sa pamamahayag ng mga sakuna. Dagdag na layunin rin ng seminar ay maikampanya ang kahalagahan ng sapat na kaalaman, kasanayan, at abilidad ng bawat Bulakenyo upang maging handa laban sa mga kalamidad na maaaring tumama sa Bulacan. “Information is the first line of defense against disasters, sapagkat sa panahon na tayo’y tatamaan at sasagasaan ng kalamidad, tanging ang nalalaman natin ang magliligtas sa atin.” Pahayag ni G. Dino Balabo, News Editor ng Mabuhay Newspaper-Bulacan, at isa sa mga punong-abala ng naturang seminar. Nagkaroon din ng maigising talakayan hinggil sa Cyber Libel, na siyang tumalakay sa libelong nakamit sa pamamagitan ng internet. Ang gumanap na speakers ng seminar ay sina Bb. Liz Mungcal, Head ng Bulacan Provincial Disaster Risk Reduction and Management Council (PDRRMC), Atty. Julius Victor Degala. G. Dino Balabo ng Mabuhay Newspaper-Bulacan, at G. Rommel Ramos ng Radyo Bulacan. |
Mga balitang bumabalangkas
sa pangaraw-araw na kasaysayan. Bea Velasco 21 Archives
November 2014
Categories
All
|