Matagal nang nirerekomenda sa akin ng mga kaibigan ko ang Tuesdays with Morrie ni Mitch Albom. Ika nila, basahin ko raw dahil maganda raw at malalim ang librong ito. Puno raw ng aral tungkol sa buhay. Tinangka ko namang basahin ito, ngunit di ko matapos tapos. Ang dating niya sa akin ay mabagal, parang di ko ata tiipo. At bakit nga ba hindi? Sa aking pagkakaalala, tungkol ito sa isang guro na nagnanais ibahagi sa kanyang estudyante (Mitch Albom), kung ano ang kahulugan ng buhay at kamatayan, sa pamamagitan ng pagobserba nito sa kanyang buhay, habang papalapit siya sa kanyang kamatayan. Ni sa hinagap hindi ko inakalang magagamit ko pala ang paralelismo ng Tuesdays with Morrie sa pagpapakilala sa isa sa mga pinakaimportanteng guro na nagkaroon ako. Ugali ni Sir Bernardino “Dino” B. Balabo na pumasok ng tatlumpo hanggang animnapung minutong late sa kanyang klase. Suot ang kanyang nakatuck in na polo shirt, at bitbit ang kanyang napakalaking backpack sa likod, lalakad siya sa kabuuan ng CAL corridor, pumapadyak na may malalaki at mabilis na hakbang. Darating siya sa klase na mukhang bugnutin at wala sa tamang timpla, kaya walang nagtatangkang makipagngitian sa kanya. Ngunit,‘pag sinimulan na niyang basahin ang pangalan ng kanyang mga estudyante upang tiyakin ang mga present at absent, unti unting gagaan ang hangin sa loob sa paligid, at ilang saglit pa, nagtatawanan na ang lahat. Nakasanayan na niyang magbigay ng taguri sa kanyang mga estudyante. Ang apelyidong “Magno” ay nagiging “Magyes”, ang pangalang “Maey” ay nagiging “Ma-bi”, tinatawag niyang “Lea” ang isa sa mga estudyante niyang may apelyidong “Salonga”, binibiro niya ng “Mama Bear” ang isa sa mga estudyante niyang may katabaan. Mga mumunting pangbubuska at kakulitan na hindi mo aakalaing magmumula sa isa sa mga pinakapipitagang lokal na mamamahayag ng Bulacan, na kung itatapat mo sa lahat ng kanyang mga naabot na mga parangal at pagkilala, mapapakamot ka na lang ng ulo at matatawa. Hindi niya kinukuha ang kanyang leksyon mula sa isang papel. Ang curriculum na kanyang ginagamit ay hindi computerized, hindi printed. Walang nag isip o nagsulat ng kung ano ang ituturo niya. Siya mismo ang nagdedesisyon. Ang buhay at karanasan niya mismo bilang isang Journalist ang pagbabatayan ng klase. Hindi pa siya nakuntento, nag-organisa pa siya ng mga seminars para sa kanyang mga estudyante, mga seminars na walang bayad, napapanahon, at lubos na esensyal. Ito at ang mga taong ginugol niya sa kanyang serbisyo bilang isang manunulat ay s'yang magiging balangkas at lalamanin ng buong tatlong oras ng klase. At mula sa mga binabahagi niya, nahigitan nito ang naunang dalawang taong pamamalagi ng kanyang mga estudyante sa kanilang kurso. At kung iisipin na isa lang siyang part-timer, isang bagay ito na lamang niya sa ibang guro. Magsisimula ang klase mula sa kanyang pagkekwento, dadaloy sa kanyang mga nakalipas at kasalukuyang ala ala, may kaakibat pang paalala na “Kaya ko ito sinasabi sa inyo para ‘pag kayo na ang makakaranas ng mga ito, alam niyo na.”, at magtatapos sa mga bilin niyang seminars at susulating artikulo. Kung sasagad pa ang kakulitan, bubuskahin niya pa ang klase na magshift na lang sa ibang kurso dahil ang Journalism ay isang seryosong propesyon. Maraming pagkakataon na sinasagad niyang ang tatlong oras, lalo na kung napasarap ang kanyang kwento, bagay na madalas pagbuntong hingaan ng ilan sa likod ng klase. Ganyan ang pattern ng bawat hapon ng Lunes ng BAJ 3A sa piling niya. Mga maliliit na detalyeng malimit na binalewala, at siyang muling naalala noon lamang nawala siya. Ang huling ala-ala ng kanyang dalawang klase, BAJ 3A at BAJ 4A, kasama siya ay mula sa isang seminar na inorganisa ng guro. Agusto 30, Sabado, nang inabot ang certificate of recognition kay Sir Dino, ang huling sertipiko na natanggap niya, sumigaw ng “Mabuhay! Mabuhay!” ang buong BAJ 3A. Nangiti ang guro, natawa, at humarap sa klase, sabay kaway. Sa mga oras na yon, simpleng pagsakay sa biro lamang ang kaway na 'yon. Wala namang mag-aakalang kaway ng paglisan na pala ‘yon. Kung may nakahula man lang na sa sumunod na Lunes, Setyembre 1, ay mamaalam na ang guro sa kanyang mga estudyante, higit pa sa simpleng kawayan ang mangyayari. Ngunit, sa gurong katulad ni Sir Dino, may magtatangka bang isipin 'yon? Pwedeng sabihin na ang kwento sa Tuesdays with Morrie ay kahawig ng naging karanasan ng mga estudyante ni Sir Dino kasama siya. Pero may pagkakaiba rin. Sa libro, una pa lang, hinayag na ni Morrie na siya ay papanaw na. Anticipated ang kanyang kamatayan. Inaabangan. Binibilangan. Binigyan ng perspektibo ang estudyante na kahit anong araw ay iiwanan siya ng kanyang guro. Naabot niya ang dulo. Naituro niya ang kanyang bersyon ng buhay sa paglatag niya ng kanyang nalalabing mga araw sa mundo. Pinaghandaan ang daloy ng magiging klase. Biglaan ang pagkamatay ni Sir Dino. Walang nag-aabang. Walang nagbibilang. Walang nagsususpetya. Ang lahat ay umaasa na may susunod pang klase. Ang lahat ay umaasang masusundan pa ang kanyang seminar. Ang lahat ay umaasang pagbukas ng kani-kanilang Facebook account, mula kay Sir Dino ang unang notipikasyon. Parang isang malakas na pitik, yaong nakakagulat na uri ng pitik, yaong nagmamarka. Mabilis, at higit pa sa nakakabigla: nakakapanlumo. Nasa kalagitnaan pa lang ng kwento, bumaba na ang telon. Naituro niya ang bersyon niya ng buhay sa paraang ang lahat ay nahuling hindi handa, na ang lahat ay umaasa pang babalikan siya, pasasalamatan, at pararangalan pagkatapos ng kanilang pagaaral, na ang ilan ay umaasa pang makakasama siyang magsulat sa dyaryong kaniyang tahanan. Pero ang pagkakahawig nilang dalawa, ang uri ng pagpapahalaga nila sa kanilang mga estudyante. Hinugot nila sa sarili nilang buhay at mga gunita ang leksyon ng buong semestre, sa pag-asang mula sa kanilang mga personal na karanasan ay maipapasa nila ang ideyalismo at pagpapakataong kailangang matutunan ng kanilang mga tinuturuan, sa pag-asang mula sa mga personal nilang kwento ay makikita sila ng mga ito na higit pa sa pagiging guro: bilang mga kaibigan at ama na handa silang saluhin, itama, at pakinggan. At sa mga ala ala ng dalawang guro, sa mga ala alang iniwan ni Sir Dino, sisibol ang mga magpapatuloy ng kaniyang sinimulan. Paalam, Sir Dino. Maraming salamatsa lahat.
0 Comments
Pagpapamalas ng naging papel ni Gat.Marcelo H. Del Pilar sa kasalukuyang mukha ng lokal na peryodismo sa Bulacan. Sa ganitong mensahe umikot ang naging talakayang inorganisa ng Bulacan Press Club, kasama ang ilan sa mga local na pahayagan ng lalawigan ng Bulacan tulad ng Newscore, Mabuhay, Luzon Times, Reflector, The Bulacan News Catcher , at Bulacan Herald bilang pagpupugay sa kadakilaan ni Gat. Marcelo H. Del Pilar, at bilang parte na rin ng pagdiriwang sa ika-164 na kaarawan ng nasabing bayani. Ang talakayan ay pinamagatang “Talakayan: Si Gat. Marcelo H. Del Pilar at Ang Papel ng mga Lokal na Pahayagan sa Bulacan Tungo sa Mabuting Lipunan” at naganap noong Setyembre 2, ala-una ng hapon, sa Francisco Balagtas Hall, Hiyas ng Bulacan. Ang kumperensiya ay dinaluhan ng iba’t ibang lokal na journalists sa Bulacan, mga social media users na miyembro ng Balitang Malolos Facebook Group, at mga 3rd year Journalism students ng Bulacan State University. Siyam ang nahirang na tagapagsalita ng nasabing kumperensiya, lahat ay galing sa iba’t ibang larangan. Naroon sina G.Perfecto V. Raymundo, isang dinadakilang Bulakenyong mamamahayag at isa ring associate editor ng Mabuhay; G. Bong Enriquez, isang kilalang icon ng kultura’t sining ng Bulacan; G. Isagani Giron ang kasalukuyang presidente ng Bulacan Salinlahi Inc.; ang historical researcher na si G. King Cortez; ang historian at isa ring propesor ng De La Salle University na si G. Michael Charlestion B. Chua; si G. Joey Munsayac, ang may-ari ng The Luzon Times, at isa ring kilalang mahusay na journalist at environmentalist; si G. Lamberto Santos, ang publisher ng Reflector, ang pinakamatandang lokal na pahayagan sa Bulacan; si G. Jose Roy Reyes, publisher ng The Bulacan News Catcher; at si Bro. Martin Francisco, isang misyonero, environmental icon ng Pilipinas at ang umuupong chairperson ng Sagip Sierra Madre Environmental Society. Ang bawat tagapagsalita ay naglatag ng kanilang sariling talumpati ukol sa iba’t ibang paksa. Inihayag ni G. Perfecto “Tata Piping” V. Raymundo, ang naging kasaysayan ng pamamahayag sa nasabing probinsya. Sa edad na 81, nagbigay sulyap si G.Raymundo sa simula ng mga pahayagan sa Bulacan. Aniya, taong 1898 nagsimula ang peryodismo sa Pilipinas. Binigyan din niya ng pagkilala ang mga kasalukuyang pahayagan sa Bulacan, na naroon sa nabanggit na kumperensiya. Siniwalat rin niya ang mga kakambal na sakripisyo ng sinomang nagnanais na magtatag ng isang pahayagan sa Bulacan, tulad kinakailangang bilis at liksi ng pagsagap ng mga sariwa at makabuluhang balita, sukat ng mga titik kinakailangan sa isang balita, at ang mga pinansyal na suportang malimit na nagiging isyu sa pagpapalimbag ng isang pahayagan. “May mga nagtagumpay at patuloy na naninilbihan sa mga mamamayan, sa pagpapahayag ng katotohanan. May mga umaayaw dahil sa hirap na dinaranas upang mairaos ang kada labas ng pahayagan. Kaya nga ayokong makakakita ng mga pahayagan na pinambabalot ng tinapa sapagkat ang mga salitang nakalimbag dito ay pinagisipan, pinagpaguran, at pinagpawisan sa kabila ng mga balakid ng isang pahayagan. Bawat sipi ng pahayagan nabuo ay pagsasalaysay ng katotohanan kung sino, ano, kalian, saan, paano, at bakit ng panahong kasalukuyan, upang pagsilbihan ang taumbayan.” Aniya ni G. Raymundo. Ikinwento naman ni G. Isagani Giron ang mga naging karanasan niya bilang isang media practitioner noong panahon ng Martial Law. Aniya, naging isang malaking inspirasyon sa kanya ang kabayanihan ni Gat. Del Pilar, lalo na noong mga panahon na iyon. Ayon sa kanya, iyon ding panahon na iyon ay ang nagtulak sa kanya upang magsulat ng isang tulang pinamagatang “Tulisan” at “Kristo ng Bayan”, mga tulang lumalarawan sa kalupitan ng mga Kastila at Batas Militar, sa ilalim ng pen name na Fr. Jose Eusebio. Ang tulang “Kristo ng Bayan” ay kumalat sa iba’t ibang dyaryo, at sinasabing kumakatawan sa panahon ng Martial Law. Ipinahayag naman ni G. King Cortez ang naging kontribusyon ni Gat. Marcelo H. Del Pilar sa kasaysayan ng Kataas-taasan Kagalang- galangang Katipunan ng mga Anak ng Bayan (KKK). Ayon sa kanyang mga dalang dokumento’t larawan, ang nabanggit na bayani ang syang tunay na utak at ama ng Katipunan, taliwas sa alam ng nakararami. Iginiit din ng historical researcher na tubong Cavite na dapat ay magkaroon ng malalimang pananaliksik upang mapatunayan ang kanyang natuklasan. Sumentro ang naging talakayan sa pagiging journalist ni Gat. Marcelo H. Del Pilar, sa pangunguna ni Prof. Michael Charlestion B. Chua. Sa kanyang presentasyon, inisa-isa ng historyador ang mga mahahalagang pangyayari sa buhay ng nabanggit na bayani, mula sa pamumuhay ni Gat. Del Pilar sa Bulakan, Bulacan, hanggang sa paninirahan nito sa Espanya. Inilatag din ni Prof. Chua ang naging papel ng bayani sa pamamahayag, na ayon sa kanya ay ang syang tunay na nagpasimula ng kultura ng peryodismo sa organisasyon ng mga iskolar na Pilipino sa Espanya, isang bagay na hindi nagawa ng mga nauna sa kanya doon na si Gat. Jose Rizal at ng iba pang First Filipinos. Inusig naman ng propesor ang lahat ng naroon sa talakayan. Aniya, dapat ay magsumikap pa ang mga naroon upang mapagpatuloy ang mag nasimulan ng nabanggit na bayani. “Ang sabi ni Rizal: Bakit di tayo nagkaroon ng isang daang Marcelo H. Del Pilar? Bakit daw di magkaroon ng isang daang Marcelo H. Del Pilar? Ang sagot niyo: ‘Ito na po! Ito na po ang isang daang Marcelo H. del Pilar!” pagtatapos ni Prof. Chua. Mas lalo namang binigyang pagpapahalaga ni G. Joey Munsayac, isang propesor sa Polytechnic University of the Philippines at pinagpipitagang dyarista at komentarista sa radyo, ang depinisyon ng lingguhang pahayagan sa Bulacan, ang kabuuang pagtanaw sa kasalukuyang kalagayan ng ito, at papel nito sa lipunan. Aniya, dapat ay mapalakas nga presensya ng lokal na mga pahayagan sa bayan ng Bulacan, at huwag masindak sa mga ikakaso laban sa kanila. “Ang mamamahayag ay nagiging mamamahayag lamang pag nagsasabi siya ng katotohanan. Bago ka magtagumpay, huwag kang matakot humipo ng baga. Huwag kang matakot magsabi ng totoo.”, dagdag pa niya. Inisa isa naman ni G. Lamberto Santos ng Reflector ang positibo at negatibong mga pangyayaring maaaring kaharapin ng isang naglilimbag ng lingguhang pahayagan. Higit niyang binigyang pansin ang kakaharaping pinansyal na suliranin ng mga may gustong magtatag ng isa. Ngunit, higit pa sa pinansyal na problema ng isang pahayagan, mahalaga pa rin na isapuso ng mga estudyante ang pagsasabi ng katotohanan. “Nararapat lamang na bilang Journalism Students na isapuso niyo ang pagsasabi ng katotohanan. Maging mapagmatyag at mapanuri.”, aniya ni G. Santos. “Ang Media ang magpapabagsak sa gobyerno!”, matapang na pahayag naman ni G. Jose Roy Reyes ng The Bulacan News Catcher. Binigyang pansin niya ang malaking nagagawa ng media para maipahiwatig sa taumbayan ang kinakailangan nilang malaman, at isa sa mga nabanggit niyang halimbawa ay ang naging trahedya sa Madlum River, kung saan ay pitong 1st year students ang namatay. Aniya, kailangang lumawaka ng pananaw sa nasabing trahedya at sumentro sa angulo environmental reporting, sa halip na simpleng kapabayaan lamang.
Nananawagan naman ng mas malaking atensyon at media coverage si Bro. Martin Francisco, isang environmental icon at isa rin sa mga nangangalaga sa tribo ng mga Dumagat sa bayan ng Angat, upang mas maipahayag ang mga kasalukuyang nagaganap sa ating kalikasan. Ayon sa kanya, kung ang mga simpleng balita ng patayan na nagaganap lamang sa kanto ay naibabalita, dapat ay mas mabalita ang nangyayari sa kabundukan, na ayon sa kanya ay unti unting nasisira dahil sa mga iligal na gawain sa dito tulad ng iligal na pagtotroso, pagmimina, at quarrying. Bilang pagtatapos ng talakayan, sinabi ni G. Bong Enriquez, katulad ng mga naunang tagapagsalita, binigyang pagpapahalaga rin niya ang kabayanihan at naiwang ala-ala ng bayaning si . Gat. Del Pilar. Hinamon niya ang mga nagsipagdalo na ipagpatuloy ng kasalukuyang henerasyon ang mga naiwang kontribusyon ng bayani. Ang kabuuan ng talakayan ay lubo na inialay naman sa batikang mamamahayag at dyaristang si G. Bernardino B. Balabo, na syang binawian ng buhay noong nakaraang Lunes, Setyembre 1 ng taong kasalukuyan. Ang nabanggit na journalist ay may edad na 45, at yumao dulot ng atake sa puso. City of Malolos, Bulacan - Kung sino pa ang may marami at tunay na naiambag sa kasarinlan at kalayaan ng kanilang lipunan, sila pa ang tahimik at hindi nabibigyan ngsapat na karangalan. Noong nakaraang Sabado, Agosto 30, 2014, kasama ng mga kapwa ko 3rd at 4th year Journalism students ng Bulacan State University (BulSU), natunghayan namn ang isang lihim na dahan dahang binuksan sa aming harapan, patungkol sa isa sa mga bayani n ating bansa, at siya ring ka-Blakenyo nmin na si Gat. Marcelo H. Del Pilar, o mas kilala s tawag na Plaridel. Sa kumperesnsiyang pinamagatang, “Mastermind: Unang Panglalawigang Kumperensiya sa mga Kontribusyon ni Gat Marcelo H. Del Pilar sa Rebolusyon at Paghubog ng Bansa”, na ginanap sa Malolos Sports and Convention Center, ganap na ala-una ng hapon, ipinaliwanag sa amin ng pangunahing tagapagsalita na si G. King Cortez ang malaking papel na ginampanan ni Plaridel sa paghuibog sa kalayaan ng Pilipinas. Sinabi ni G. Cortez, na isang historical researcher at isang guro sa University de Manila (UdM) na si Plaridel ay ang siyang Ama t Utak ng Kataas-taas Kagalang- galangang Katipunan ng mga Anak ng Bayan (KKK). Isang bago at iskandalosong pahayag na siyang babaliktad sa matagal ng sinasabi na si Andres Bonifacio bilang ang Ama ng Katipunan. Postibo naman ang naging mga komento ng ilan sa mga nakasama ko sa panayam. Pahayag ni Philip Rodriguez, isang 4th year Journalism student, matagumoay ag naisagawang oanayam, at sangayon siya sa mga sinabi ni G. Cortez. Ang larawan ay galing dito “Si Marcelo nga dapat na kilalaning Pambansang Bayani dahil hindi lang sa pagsusulat kundi maingat din niyang naplano ang rebolusyon.” Dagdag pa ni Rodriguez
Nahahati naman sa tatlo ang opinion ni Alexis Sebastian, isang intern ng Pambansang Komisyong Pangkasaysayan ng Pilipinas o PKPP. “Una, magandang pasimula ito ng napipintong pag usbong ng mga limot na bayani. Pangalawa, nagpapatunay lang na ang kasaysayan ay mahalaga at hindi dapat baliwalain. At Pangatlo, tama lang at makatuwiran na ipaglaban ni King Cortez, kasama ng kanyang patunay, ang pagiging ‘Mastermind’ ni Marcelo Hilario Gatmaitan Del Pilar.” Ayon naman kay G. Alex Balagtas ng PJPP, dahil sa pagkakatagpo sa lihim na ito patungkol sa kiung sino talaga ang tunay na Ama ng Katipunan, pinagiisipan ng nabanggit na komisyon na hirangin bilang “Ama ng Nasyon” si Gat Plaridel. Ngunit sa kabila ng natuklasang lihim na ito, tila ba marami sa mga Bulakenyo ang walang alam at pakialam sa buhay ng kanilang Bayaning Kababayan. sa 16 na aking napanayam, 6 dito ang hindi sigurado kung ano ang pinagdiriwang na selebrasyon noong Agosto 30, 2014, 8 ang walang alam, at 2 lang ang may nalalaman ngunit narinig lang rin sa iba. Higit sa lahat, dapat unang una ang mga Bulakenyo sa pagkilala sa kanilang mga Kababayang Bayani. Higit sa lahat, dapat tayo ang siyang nagsusuri, nag aaral, nagpoprotekta, at nagmamahal sa kanila at sa lahat ng kanilang isinakripisyo’t ginawa upang matamasa ang kalayaang mayroon tayo ngayon. Nawa, ang pahayag ni G. King Cortez ay mabigyan pa ng higit na atensyon at pagkilala, at mabigyan ng sapat na espasyo si Gat. Plaridel sa hilera ng mga dapat kilalaning propagandista at rebolusyonaryo ng ating panahon. Bukod sa pangkultural at pangkasaysayang kontribusyon ng Bulacan sa ating bansa, bentahe rin ng nasabing lalawigan ang isa sa mga ilog nito bilang pang-akit sa mga turista: ang ilog ng Madlum.
Makikita sa loob ng Biak-na-Bato National Park, malimit daanan ang ilog ng mga hikers at mountaineers na nagnanais umakyat sa nasabing parke. Sinasabing ilan sa mga natatanging makikita sa ilog ay mga matataas na bato sa kanang bahagi nito, ang unti unting pailalim na bahagi nito sa bandang kaliwa, at hindi bato ngunit buhangin ang bumubuo sa pampang nito. Konektado rin ang Madlum River sa ilang kwebang nakapalibot sa nasabing parke. Ilan nga sa mga kwebang naroon ay ang Bayukbok Cave, Manalmon Cave, at Victoria Cave. Bukod sa mga nabanggit, may mga ilan ring mga aktibidades ang naghihintay sa ilog tulad ng: zipline, pagsakay sa balsa, at ang tanyag nitong Monkey Bridge. Kaya naman patok ang Madlum River di lamang sa mga hikers at maountaineers, kung hindi pati na rin sa mga pamilya at mga magkakabarkada , lalo na kung tag araw. Mga masasayang ala-ala Taal na taga-San Miguel, Bulacan si Alran Maniquiz. Ayon sa kanya, kahit tatlong beses pa lamang siyang nakakapunta sa Madlum River, lagi naman daw masaya ang kanyang mga ala-ala rito. Ayon sa kanya, magandang magpunta sa nasabing ilog, tag-ulan man o tag-araw. “’Pag tag-ulan, maganda magpunta doon kasi malalim ang tubig. ‘Pag tag-araw naman masarap ding maligo at mag-caving. Libot at ligo lang ang pinupunta namin doon.” Aniya ni Maniquiz. Kaya para sa kanya, nang marinig niya ang trahedyang naganap sa Madlum River noong Agusto 19, 2014, kung saan pitong 1st year Tourism students ng Bulacan State University (BulSU) ang nasawi mula sa Educational Tour na isinagawa sa nasabing ilog, gulat at kaba ang kanyang naramdaman. Ayon sa kanya, karaniwan na raw ang may nalulunod at namamatay sa nasabing ilog. “Kinabahan ako kasi ngayon lang ulit nangyari ‘yon na marami ang namatay.” Dagdag ni Maniquiz. Ayon rin kay Maniquiz, sa tuwing magpupunta sila roon para maligo, karaniwan naman daw walang bantay sa ilog. Nagkakaroon lamang daw ng bantay o guide kapag magpapaalam daw silang pumasok sa isa sa mga kweba doon. Nang tanungin naman kung may plano siyang pumunta at maligo muli sa ilog, di raw muna sa ngayon. “Sa ngayon, nakakatakot pumunta. Siguro papalipasin ko muna bago ako pumunta ulit doon.” Pagtatapos ni Maniquiz Field trip na nauwi sa ‘Failed’ trip Madalas magsagawa ng Educational Tour sa Madlum river ang College of Home Economics (CHE) ng main campus ng BulSU, kung saan galing ang pitong 1st year Tourism students na namatay noong Agusto 19, 2014. Ngunit kauna unahang nangyari sa kasaysayan ng kolehiyo ang naganap na trahedya. Ayon kay Don Henry Alfonso, isang BS HRM graduate mula sa nasabing kolehiyo, kahit noon pa mang 1st year college student siya ay nagpunta rin sila sa Madlum River bilang bahagi ng kanilang Educational Tour. Aniya, masaya ang kanyang naging karanasan sa ilog dahil unang beses niya noong mapunta siya doon. Sinubukan niya rin ang ilang mga aktibidades na naroon tulad ng zip line at Monkey Bridge. Ayon pa kay Alfonso, sa pagkakaalala niya noon, wala naman raw orientation o briefing ang naganap bago sila naligo. Aniya, pagkarating nila sa Madlum River, nagtanghalian sila, at pagkatapos ay hinayaan na silang maligo. “Dapat noong bago pumasok sa kweba ay nagkaroon ng briefing. ‘Di ko nga naiisip noon nab aka may mangyaring flash flood. Basta masaya ako noon.” Dagdag pa niya. Para sa kanya, ang nangyaring trahedya ay may hatid na leksyon para sa unibersidad, lalong lalo na sa CHE. “Sa nangyari na ito, malaking lesson sa faculty ng CHE na sa bawat tour ay responsibility pa din nilang bantayan ang mga estudyante, tulad ba ng mga grade schools na talagang bantay sarado ng mga teachers.” Aniya ni Alfonso. Ligal na Aksyon Sunod sunod namang nagsagawa ng mga Prayer Vigils at Misa ng Pakikiramay ang buong Bulacan State University, bilang pagluluksa sa sinapit ng pitong 1st year Tourism Students. Kapwa nakasuot ng itim na damit, ang mga estudyante, non-academic personnel, at mga miyembro ng administrasyon ng unibersidad ang nanguna sa mga ginanap na vigil at misa. Nahaharap rin ang pamunuan ng BulSU sa iba’t ibang kaso na isinampa ng mga pamilyang naulila ng mga biktima, at kasalukuyang iniimbesitigahan ng Kamara ang presidente ng pamantasan na si Dr. Mariano De Jesus. Noong Setyembre ng taong 2004, walong tao ang nalunod at nasawi rin sa nasabing ilog, pito ay mga bata at mga menor de edad. Ayon sa mga balita, katulad ng mga ikinamatay ng mga Tourism students, flash flood rin ang kumitil sa mga namatay noong 2004. Sinisi naman ni Gobernadora Josie Dela Cruz, na siyang dating gobernadora noong mga panahon na iyon, ang iligal na pagmimina at pagpuputol ng mga puno ang siyang naging dahilan ng flash flood. Natapos naman ang anim na taong paglaban ng Bulacan para mapahinto ang quarrying at pagmimina sa paligid ng Biak-na-Bato National Park nang lagdaan ng DENR ang isang memorandum noong Disyembre 28, 2010, na nagsasabing nilabag ng Rosemoor Mining and Development Corp, ang noo’y nagmimina sa lugar, ang Philippine Mining Act of 1995. Isinagawa ang memorandum bilang pagtugon sa apela ng Bulacan na ipatigil ang lahat ng pagmimina sa Biak na Bato upang mapanatili ang mga makasaysayang bahagi nito. Sa isang natatanging pagkakataon, nagkaisa sa harap ng matinding pagdadalamhati ang mga mag-aaral at guro ng Bulacan State University (BulSU), sa ilang serye ng Misa ng Pakikiramay na idinaos noong Biyernes, August 22, 2014, sa iba’t ibang parte ng naturang pamantasan. Nagtipon-tipon ang mga estudyante, o BulSUans, at mga miyembro ng faculties mula sa iba’t ibang kolehiyo, mga non-academic personnel, at maging ilang nakikisimpatyang magulang, sama-samang nagsuot ng itim na damit, at dumalo sa mga sunod sunod na mga misa, bilang pagpapahiwatig ng pakikiramay nila para sa mga naulila ng pitong 1st year Tourism students na nasawi sa trahedyang naganap sa Madlum River, Brgy. Sibul, San Miguel Bulacan, noong August 19, 2014. Sa isang daan at sampung taong kasaysayan ng nasabing pamantasan ay ngayon lamang ito nakaranas ng ganito, kaya’t bumubuhos at suporta at simpatya ng mga kasalukuyan at dating mag-aaral nito. Nagsimula ang unang misa sa ganap na alas-diyes ng umaga, sa BulSU Activity Center (AC). Kasabay nito ay may isinagawa ring misa sa harap ng school cashier, na pinamunuan naman BulSU Non-Academic Personnel Association (NAPA). At naging panghuli ang misa noong hapon, 5 pm, na idinaos muli sa AC. Sa panghuling misa rin isinagawa ang Candle Lighting, o ang pagtulos ng daan daang kandila, bilang handog sa mga biktima. Dumalo rito ang dalawa sa limang Vice Presidents ng BulSU na sina Vice Pres. Cecilia A. Geronimo Ed.D at Vice Pres. Nicanor C. Dela Rama Ed.D. Namataan din sa naturang misa ang mga miyembro ng iba’t ibang opisina ng unibersidad tulad ng Extension Service Office (ESO) at ang Guidance Center. Nanawagan ng pagkakaisa si Father Kent Apeña, isa sa mga paring naguna ng mga misa, na magkaisa ang buong BulSU, lalo’t ngayong nahaharap ang eskwelahan sa matinding pagsubok. Aniya, ito ang panahon para magkaisa ang puso’t isipan ng bawat isa upang makabangon muli ang pamantasan mula sa kinakaharap nitong hamon. Mula naman kay Father Ruel Arcega, ang paring nanguna sa Candle Lighting at panghuling misa, pagmamahal sa kalikasan at sama-samang pag-usad pasulong naman ang kanyang paalala sa bawat BulSUan, upang makatulong sa kasalukuyang suliranin ng paaralan. Ayon sa isang magulang dumalo sa huling misa at piniling hindi magpakilala, bilang isang magulang, hindi rason para sa kanya na hindi ipagkatiwala sa BulSU ang edukasyon ng kanyang mga anak na kasalukuyang nagaaral sa pamantasan. Ngunit giit niya, kailangang malaman ang pinagugatan ng problema, at dapat mabigyan ito ng solusyon upang hindi na maulit. Kaugnay ng mga sunod sunod na misa na ginanap noong Biyernes ay may nauna nang mga Prayer Vigils, na sunod sunod ding isinagawa naman noong Miyerkules, August 13, 2014, kung saan nagsuot din ng itim na damit ang mga BulSUans mula sa iba’t ibang kurso, karamihan ay galing sa College of Home Economics (CHE), at nakiisa sa pananalangin.
Nauwi sa isang malaking trahedya ang Bulacan Tour ng mahigit sa isang daang 1st year Tourism Students ng Bulacan State University nang anurin ng rumaragasang flash flood ang labin-dalawang estudyante ng nasabing kurso, na nagdulot ng agarang pagkamatay ng pitong estudyante. Ang pitong estudyanteng nasawi sa trahedya ay sina Mikhail Alcantara, Michelle Ann Rose Bonzo, Helena Marie Marcelo, Sean Rodney Alejo, Jeannette Rivera, Mary Magdaline Navarro, at Maiko Eleva Bartolome. Nakakdang ihatid kanyang huling hantungan si Sean Rodney Alejo ngayong araw (Sabado, August 23), habang sina Maiko Bartolome, Helena Marie Marcelo, Jeanete Rivera, at Mikhail Alcantara naman ay bukas ililibing (Linggo, Ausgut 24). Samantalang, sina Mitch Bonzo at Madel Navarro naman ay sunod na ililibing sa Miyerkules (August 27). BULAKAN, Bulacan - Bilang pakikibahagi sa paggunita sa buwan ng Agosto bilang Buwan ng Kasaysayan, matagumpay na nagdaos ang Pambansang Komisyong Pangkasaysayan ng Pilipinas (PKPP), kasama ang lokal na Pamahalaan ng lalawigan ng Bulacan, ng isang seminar na sumesentro sa kasaysayan at kultura ng nabanggit na probinsya.
Pinamagatang “Kwentong Bayan: Ang Kultura at Sining sa Lalawigan ng Bulacan sa Gitna ng Himagsikan,” ginanap ang seminar noong ika-15 ng Agosto, taong kasalukuyan, alas-otso ng umaga, sa Dambana ni Marcelo H. Del Pilar, San Nikolas, Bulakan, Bulacan. Ang seminar ay dinaluhan ng mga iba’t ibang estudyante na mula Bulacan State University Main Campus at Meneses Campus na nagtataglay ng mga kursong: Tourism, Education, at Journalism. Naroon rin sa seminar sina; G. Alex L. Balagtas, Punong Pansangay ng Bulacan-Zambales PKPP; G. J. Ruel F. Paguiligan, Kurator ng Pook Pangkasaysayang Simbahan ng Barasoain; at G. Isagani B. Giron, Pangulo ng Bulacan Salinlahi Inc. Bilang tumayong tagapagsalita ng nasabing seminar, binigyang diin ni Gng. Rheeza Santiago-Hernandez, isang kilalang personalidad sa teyatro at tanyag na eksperto sa pagluluto, ang ilang elemento ng kultura ng Pilipinas, na dito lamang sa Bulacan matatagpuan, tulad ng pag-gawa ng Puni, Borlas de Pastillas, at ang sining ng pagluluto, o mas kilala sa tawag na Kaluto. Ang Puni ay isang sinaunang pagtutupi ng dahon ng niyog, upang makabuo ng iba’t ibang hugis, tulad ng ibon, bola at iba pa, samantalang ang Borlas de Pastillas naman ay ang intrikong pag ukit at pag-gupit ng mga imahe tulad, ng mga bulaklak, at iba pang disenyo sa mga pabalat ng pastilyas. Sinasabing ang Puni ay sinimulan ng mga taga-Bulakan, Bulacan, habang ang Borlas de Pastillas naman ay sinimulan ni Luz Ocampo, taal na taga-San Miguel, Bulacan. Pinagmalaki rin ni Hernandez ang papel ng lokal na kulinarya, o Kaluto, sa pagsalamin ng ebolusyon sa ating kultura. Aniya, di tulad ng banyagang kulinarya, na binubuo lamang ng iilang dibisyon tulad ng appetizer, main dish, at dessert, ang Kaluto ay nahahati sa anim, at syang sumisimbolo sa iba’t ibang yugto ng ating kasaysayan. Ang konsepto ng Kaluto ay nagmula sa librong , “Pamanang Kaluto ng Bayan,” ni Milagros Santiagao Enriquez, isang natatanging food historian, at syang tita ni Hernandez Sinasabing may anim na yugto ang Kaluto: Sinaunang Panahon, Pananakop ng Kastila, Panahon ng Himagsikan, Panahon ng Amerikano, Panahon ng Hapon, at Panahon ng Malayang Pilipinas. Maliban sa mga nabanggit, binigyan rin ng pagpapahalaga sa seminar ay ginampanan ng mga tula at awiting Kundiman sa kasaysayan ng rebolusyon sa bansa, at ang mga naging paboritong pagkain ng ating mga bayani na sina Dr. Jose P. Rizal, Hen. Luna, Hen. Emilio Aguinaldo, at iba pa. Bukod sa pagbibigay panayam ni Hernandez, nagpakita rin ng kanilang natatanging pagtatanghal ang VSE Productions ng Bulakan, Bulacan, at nagpaunlak naman ng dalawang awitin si Bb. Trixie A. Dayrit, isang opera na mang-aawit at Alagad ng Kundiman-Unibersidad ng Pilipinas. Bilang pagtatapos, hinikayat ni Hernandez ang mga kabataan na magbalik tanaw sa ating kasaysayan at mga kinagisnang tradisyon upang mapreserba ang mga ito. “Hindi na natin kailangang mamatay ngayon para sa ating bayan, para lang maging bayani. Kailangan lang nating ipagpatuloy ang kanilang sinimulan.” Panghihikayat ni Hernandez Ni Romar Yago at Bea Velasco
City of Malolos, Bulacan - Mula nang maipasa ang pangongolekta ng Development Fee o Dev Fee noong taong 2004 kada semestre, mula sa bawat mag aaral ng Bulacan State University o BulSU, ang Partido-Pagkakaisa ng Demokratikong Mag-aaral o PDM ang nanguna sa pagtutol ng nasabing paniningil. Kaya’t noong idineklara ng Commision on Higher Education, of CHED, ang Resolution No. 221 – 2012 na nagsasaad ng pagtanggal ng Dev Fee sa lahat ng State Universities at Colleges (SUC’s), isinusulong ng partido ang agarang bisa ng nasabing resolusyon. “Mula naman noong inimplement yan (Dev Fee) noong 2014, ang lagi naming sinasabi diyan ay junk. Dapat i-junk na dahil hindi dapat sa atin sinisingil and development ng school dahil subsidy siya ng government thru capital outlay.” giit ni Noemi Calanoc, isang miyemro ng PDM. Dagdag pa ni Calanoc, ayon sa pagsasaliksik ng kanilang partido, noong 2011 pa lang ay tapos nang bayaran ng unibersidad ang pagkakautang nito sa Landbank. Ngunit sa kabila nito, mula 2012 hanggang sa taong kasalukuyan ay patuloy pa rin ang paniningil ng Dev Fee, salungat sa inilabas na resolusyon ng CHED. Dahil dito, kasalukuyang iginiit ng partido ang pagrerefund ng sobrang nakolektang Dev Fee pabalik sa mga estudyante. Magsasagawa ng konsultasyon at open forums ang partido upang malaman nila ang pulso ng mga estudyante hinggil sa nasabing resolusyon. Magsasagwa rin sila ng petition signing upang mapaabot sa administrasyon ng BulSU ang pagtutol nila sa Dev Fee “Dahil tapos na bayaran yung utang at almost 10 years na siyang (Dev Fee) sinasama sa tuition fee natin at sobra pa ng one year since bayad naman na, mula sa pag aabolish, sinama na natin yung refund.” ayon kay Calanoc. Ang Development Fee ay ang dagdag na 600 Php na sinisingil mula sa mga estudyante na diumano ay para sa mga proyekto ng nasabing unibersidad. City of Malolos, Bulacan - Isa ang isyung Development Fee o Dev Fee sa mga hindi matapos tapos na diskusyon sa loob ng Bulacan State University. Umigting pa lalo ang usapan hinggil dito nang naglabas ng resolusyon an Commision on Higher Education o CHED noong 2012, na nagsasabing ang nabanggit na bayarin ay iligal at dapat nang itigil.
Noong unang isinama ang Dev Fee sa bayarin ng bawat estudyante noong 2004, ang Partido-Pagkakaisa ng Demokratikong Mag-aaral o PDM, isang politikal na organisasyon sa loob ng unibersidad, ang nanguna sa pagtutol nito. Sa loob ng sampung taon, mula 2004 hanggang sa taong kasalukuyan, nagsagawa ang partido ng mga konsultasyon, open forums, at kilos protesta, kaakibat ang masang estudyante, upang maiparating sa administrasyon ng nasabing unibersidad ang mariin nilang pagtuligsa laban sa Dev Fee. Nanatili naming tahimik ang Alliance of Students for Action and Progress o ASAP, isa ring politikal na organisasyon sa BulSU, patungkol sa naiulat na bayarin. Ayon sa kanila, esensyal ang pangongolekta ng Dev Fee dahil ayon sa kanila, ito naman daw ay nagagamit para sa ikabubuti ng unibersidad. Ngunit, ang paniniwala nilang ito’y naiba simula nang madeklara ng CHED ang Dev Fee bilang iligal. Ayon sa ASAP, sa pangunguna ng SG President na si Michael Santos na nagmula sa kanilang partido, nagsasagawa nasila ng mga aksyon hinggil dito. Nang itanong naman kung payag ba sila sa refund, parehong sinabi ng mga partido na kasalukuyan nilang pinagaaralan at isinusulong ito. Iba-iba naman ang naging reaksyon ng masang estudyante tungkol sa usapin ng Dev Fee, ngunit karamihan sa kanila’y may magkakaparehong opinyon. Ayon kay Reyel Inocencio ng College of Arts and Letters, sumasang-ayon siya sa refund ngunit hindi dapat mapunta sa mga estudyante ang maibabalik sa salapi. “Kailangan sa magulang mapunta o dapat may consent ng magulang para makuha (nila ang refund)”, ayon kay Inocencio. Ayon naman kay Kim Novie Pagdanganan, isang 4th year Broadcasting student, sangayon rin siya sa pagrerefund ngunit ang tanong niya ay kung paano maibabalik sa estudyante ang pera. “Siguro iawas na lang sa tuition fee.” Dagdag pa ni Pagdanganan. Saad naman ni Daniel Briongos, 3rd year student ng parehong kurso, hindi naman raw niya dama ang epekto ngDev Fee na siningil mula sa kanya. Mas mabuti pa raw na tanggalin ito. Ang sabi naman ni Ronna Jane Manzanes, ComTech student, hindi niya alam ang nasabing resolusyon ng CHED. Ang tanging alam lang daw niya ang sinasabing refund ng Dev Fee, at ayon sa kanya, pumapayag siya rito. Mabagal naman raw ang development na dapat sana’y hated ng sinisingil sa kanyang 500 Php Dev Fee, ayon kay Eldrid Genesis Santos ng Bachelor of Science in Information Technology. Hindi niya raw dama ang pagbabago kaya’t mainam pa raw na ibalik nalang sa estudyante ang nasabing halaga. “Dapat magkaroon ng refund kasi CHED na ang nag-order na iligal ang Development Fee, kaya dapat na ibalik lang.” Dagdag pa ni Santos. Hindi naman natutuwa sa Development Fee si Irish Kate Reyes, isang Computer Engineering student. Aniya, katulad ng mga naunang opinyon, ibalik na lang daw sa estudyante angDev Fee. “Pinaglololoko lang nila ang mga estudyante. Ok lang naman kung nagagamit ng tama. Kaya lang di ko ‘yon makita eh. Ngayon ko lang nakikita in terms of renovations sa BSU, kung kalian nagkaron ng issue about sa refund ng development fee. Kalokohan yan.” Angal ni Reyes. Refund din ang sabi ni Vince AljoNacar, isang BSIT student rin. “Sa dami-dami natin na students na nagbabayad non, tiyak malaki na (ang) nalilikom nila pero di ko maramdaman na nagkakaroon nang development ang BSU.” agam agam ni Nacar Ayon naman kay Cherry Anne Rivera ng parehong kurso, ayon sa kanyang mga pinagtanungang kaibigan ay wala naman raw silang binabayarang Development Fee sa kanikanilang unibersidad. Ang tanong niya ay kung bakit sa BulSU ay mayroong Dev Fee na binabayaran ang mga estudyante, gayong sa ibang eskwelahan naman ay wala. Neutral naman ang palagayni Salve AngeluzDalmacio, isang 2nd year Journalism student. “Sa tingin ko po kasi, nagamit nang unibersidad ang fees saiba't ibang projects na sa tingin ko naman ay nakinabang ang mga estudyante kahit papaano. Ang useless po pag may refund, aanhin ‘yon ng ibang estudyante? Panggagala lang nila ‘yon. On the other hand, okay naman siya (i-refund). Wala ring masama kung napagdesisyunan ng administrasyon na magbigay ng refund” saad ni Dalmacio Ang Development Fee ay ang dagdag 600 Php na sinisingil mula sa estudyante na diumano ay para sa mga proyekto ng nasabing unibersidad. -may mga kaugnay na istorya galing kina Simon Oliver Vigan, Romar Yago, Angelica Tagatac, Lhealyn Victoria, at Irah Jean Udasco CITY OF MALOLOS, Bulacan-- Natunghayan ng buong bansa ang pangalawa sa huling SONA ni President Benigno S. Aquino III na ginanap noong nakaraang Lunes, july 28, 2014, mula sa Batasang Pambansa Complex, Quezon City. Inilatag ni Pres. Aquino, o PNoy, ang ilan sa mga nakamit ng kanyang administrasyon sa larangan ng Edukasyon, Industriya at Imprastraktura, Social Welfare, at mga pagbabago sa Hukbong Sandatahan. Nagsalita rin si PNoy ukol sa mga kalagayan ng biktima ng Yolanda sa Tacloban at sa mga biktima ng Zombaonga Siege noong nakaraang Taon Sinasabi na sa apat na naunang SONA, ang ikalimang SONA ay tinuturing na pinakamahaba sapagkat ito’y tumagal ng isa’t kalahating oras. Tinagurian din na ito ang pinakaemosyonal dahil sa pagpipigil ng pangulong maluha nang mabanggit niya ang pangalan ng kanyang mga magulang na sina dating Sen. Benigno ‘Ninoy’ Aquino Jr. at dating pangulong Corazon ‘Cory’ Aquino. Nagkaroon ng iba’t ibang reaksyon mula sa taumbayan ukol sa nangyaring SONA. Ayon kay Jessa Grace Olesco, isang Journalism Student ng Bulacan State University, siya’y nadismaya sa SONA ni PNOy. Ayon sa kanya, maraming hindi nabanggit ang Pangulo na dapat sana’t nabanggit. “Nawala ang patungkol sa FOI, sistema ng edukasyon, pagpapanagot sa mga nagkasala sa PDAF scam, at higit lalo sa Hacienda Luisita at reporma sa lupa. Mas naging dramatic ang SONA instead of being comprehensive.” Dagdag pa ni estudyante Ayon naman kay Darla Maey Sumalinog, isang Student Intern ng Manila Bulletin, dinaan sa luha ni PNoy ang kanyang SONA upang makuha ang simpatya ng masa. “Dama na ng Pangulo ang unti-unting pagkawala ng tiwala ng taong-bayan sa kanya. Paano niya ulit makukuha ang pulso ng masa? Simpatya. Nilabas niya ulit yung mahiwagang baraha na ginamit niya para maluklok sa pwesto--Ninoy and Cory.” Pahayag ni Sumalinog. Ang sabi naman ni Marcelino Jacob, isang magsasaka ng Brgy. Balayong, City of Malolos, siya raw ay wala nang paniwala sa SONA ng Pangulo. Ang tanong niya, kung tuay diuamano ang mga paratang sa mga kaalyado ng Pangulo, bakit raw hindi napapanagot ang mga ito. Pinabulaan naman ni Jane Manzanes, isang Computer Technology Student ng Bulacan State University at isa sa mga biktima ng Bagyong Yolanda, ang mga pahayag ng Pangulo ukol sa mga ginawang pagtulong ng administrasyon sa mga nasalanta ng nasabing bagyo. Si Jane ay dating nagtatrabaho sa Tacloban nang tumama ang Yolanda sa probinsya. “Ako po ay nalulungkot dahil ang mga sinabi po niya (Pnoy) ay malayo sa katotohanan. Yung sinasabi po ng Pangulo na nasa rehabilitation phase na ang Tacloban ay di totoo, dahil marami pa rin po ang nakatira sa mga tents. Marami pa rin po ang wala pa ring bahay. Marami pa rin pong naghihirap at walang trabaho.” Ayon pa sa dalaga, “Work for Food Program”, isang programa kung saan nagbibigay ng librang pagkain sa mga nasalanta ng Yolanda kapalit ng ilang oras ng pagrerepack ng mga relief, na sinagawa ng pamahalaan noong nakaraang taon ay hindi raw epektibo sapagkat hindi naman raw binibigyan ng pagkain ang mga nagboluntaryo para sa programa na ito. Hindi raw binigyan ng pagkain ang kanyang ate, na siyang nakibahagi sa nabanggit na programa. Para naman kay Monika Kaye Agustin, isang High School teacher ng Bulacan Ecumenical School, naipalabas ng pangulo ang isa pang parte ng kanyang katauhan. Ayon sa guro, naipakita ng pangulo na siya rin ay nagiging emosyonal kung minsan, kabaligtaran ng lagi niyang pinapakitang katatagan at katapangan. Pahayag naman ni Rollyvic Tira, isang pastor ng Greenhills Christian Fellowship, positibo ang dating ng SONA para sa kanya. Ayon sa kanya, nailahad naman ng mabuti ng Pangulo ang mga naiambag ng kanyang pamumuno sa masa. “Malaking ginhawa sa aking pangaraw-araw na buhay ang pagpapatupad ng mga proyektong pang-transportasyon lalo na ung sa EDSA at Northern Luzon. Nabigyan din ako ng kompyansa sa kaniyang katatayuan sa DAP. Una sa lahat nakakapayapa ng isip na kampante siya sa katwiran nito at handa niyang ipaglaban ang kaniyang mga pinaniniwalaan” Pahayag ng pastor. CITY OF MALOLOS, Bulacan-- Maluwalhating naidaos kahapon ng Hiraya Kolektib ang pagsasapubliko ng kanilang kauna-unahang album na pinamagatang ‘Kapaan’. Ang nasabing album launch ay nagtampok ng 14 na tulang nilapatan ng musika. Ang mga awiting nakasama sa album ay isinulat mismo ng mga miyembro ng nabanggit na organisasyon. “Ang album na ito ay karugtong ng aming libro.” pahayag ni Valiant Gomez, ang kasalukuyang pangulo ng Hiraya Kolektib. Ayon pa kay Gomez, nilapatan nila ng himig at tono ang mga tula upang mas lalong ganahan ang mga estudyanteng suriin ang bawat mensahe ng mga awitin. Matatagpuan ang mga liriko ng bawat kanta sa librong inilimbag ng Hiraya Kolektib noong Pebrero ng kasalukuyang taon, sa ilalim ng parehong pamagat. Ang mga awiting nakabilang sa album ay naglalaman ng mga iba’t ibang mensahe, mula sa pag-ibig, kalagayan ng lipunan, pang araw araw na buhay ng mga kabataan, hanggang sa mga mensaheng progresibo at tungkol sa mga manggagawang Pilipino. “Namili kami ng mga tulang di lamang magandang pakinggan at madaling lapatan ng musika, ngunit mga tulang talagang may mensaheng gustong sabihin. Di lang siya tula, ngunit may sinasabi siya.” dagdag pa ni Gomez. “Ito ay soft launching pa lang ng aming album. Patikim pa lang ito. Niluluto na namin ang pinaka grand launching.”, pahayag ni Julius Gregorio, core member ng Hiraya Kolektib. Dagdag pa ni Gregorio, mga paunang awitin pa lamang ang labing apat na nakasama sa album at maaari pang madagdagan sa araw ng susunod na launching. “Nakapaloob dito ang estado at daloy ng lipunan. Di lang ito tungkol sa kulturang popular sa Pilipinas. Ginamit namin ang media upang maipaabot naming ang aming mensahe.” paglalahad ni Gregorio. Pinagiisipan ng grupong isagawa ang grand launching sa buwan ng Oktubre. Inawit naman ng mga piling miyembro ng Hiraya Kolektib ang ilang awitin mula sa album, tulad nang: Paraiso, ni Camille Agatep; Makinaryang Bisig, ni Michael Angelo Santos; Gazebo, ni Cathleen Olaes; Klasmeyt, ni Ma. Jhozel Fernandez; at Korona, ni Julius Gregorio, bilang patikim ng mga nilalaman ng album. Nang tanungin naman si Gomez tungkol sa mga napipintong aktibidades ng Hiraya, nasabi ng presidente ng organisasyon, na bukod sa grand launching ng Kapaan album, ay nagbabalak rin ang organisasyong maglathala ng panibagong libro na naglalaman ng mga sinulat na dagli ng mga miyembro. Napapagusapan rin ng organisasyong magdaos ng iba pang cultural event na nagpapakita na di lamang sila sa pagsulat magaling, ngunit sa marami pang bagay. “Suportahan niyo ang mga kapwa niyo estudyante. Suportahan niyo ang sining na ginagawa namin. Tulong tulong tayo sa pagsalba sa kultura ng Bulacan.” mensahe naman ni Gomez para sa mga kapwa niya ka-BulSUan. Ang Hiraya Kolektib ay isang organisasyon na binubuo ng mga estudyanteng manunulat, karamihan ay mula sa kurso ng Malikhaing Pagsulat ng Bulacan State University. Naglalayon ang grupong isulong ang kahalagahan ng kultura at sining sa pamamagitan ng literatura. |
Mga balitang bumabalangkas
sa pangaraw-araw na kasaysayan. Bea Velasco 21 Archives
November 2014
Categories
All
|