Sa isang natatanging pagkakataon, nagkaisa sa harap ng matinding pagdadalamhati ang mga mag-aaral at guro ng Bulacan State University (BulSU), sa ilang serye ng Misa ng Pakikiramay na idinaos noong Biyernes, August 22, 2014, sa iba’t ibang parte ng naturang pamantasan. Nagtipon-tipon ang mga estudyante, o BulSUans, at mga miyembro ng faculties mula sa iba’t ibang kolehiyo, mga non-academic personnel, at maging ilang nakikisimpatyang magulang, sama-samang nagsuot ng itim na damit, at dumalo sa mga sunod sunod na mga misa, bilang pagpapahiwatig ng pakikiramay nila para sa mga naulila ng pitong 1st year Tourism students na nasawi sa trahedyang naganap sa Madlum River, Brgy. Sibul, San Miguel Bulacan, noong August 19, 2014. Sa isang daan at sampung taong kasaysayan ng nasabing pamantasan ay ngayon lamang ito nakaranas ng ganito, kaya’t bumubuhos at suporta at simpatya ng mga kasalukuyan at dating mag-aaral nito. Nagsimula ang unang misa sa ganap na alas-diyes ng umaga, sa BulSU Activity Center (AC). Kasabay nito ay may isinagawa ring misa sa harap ng school cashier, na pinamunuan naman BulSU Non-Academic Personnel Association (NAPA). At naging panghuli ang misa noong hapon, 5 pm, na idinaos muli sa AC. Sa panghuling misa rin isinagawa ang Candle Lighting, o ang pagtulos ng daan daang kandila, bilang handog sa mga biktima. Dumalo rito ang dalawa sa limang Vice Presidents ng BulSU na sina Vice Pres. Cecilia A. Geronimo Ed.D at Vice Pres. Nicanor C. Dela Rama Ed.D. Namataan din sa naturang misa ang mga miyembro ng iba’t ibang opisina ng unibersidad tulad ng Extension Service Office (ESO) at ang Guidance Center. Nanawagan ng pagkakaisa si Father Kent Apeña, isa sa mga paring naguna ng mga misa, na magkaisa ang buong BulSU, lalo’t ngayong nahaharap ang eskwelahan sa matinding pagsubok. Aniya, ito ang panahon para magkaisa ang puso’t isipan ng bawat isa upang makabangon muli ang pamantasan mula sa kinakaharap nitong hamon. Mula naman kay Father Ruel Arcega, ang paring nanguna sa Candle Lighting at panghuling misa, pagmamahal sa kalikasan at sama-samang pag-usad pasulong naman ang kanyang paalala sa bawat BulSUan, upang makatulong sa kasalukuyang suliranin ng paaralan. Ayon sa isang magulang dumalo sa huling misa at piniling hindi magpakilala, bilang isang magulang, hindi rason para sa kanya na hindi ipagkatiwala sa BulSU ang edukasyon ng kanyang mga anak na kasalukuyang nagaaral sa pamantasan. Ngunit giit niya, kailangang malaman ang pinagugatan ng problema, at dapat mabigyan ito ng solusyon upang hindi na maulit. Kaugnay ng mga sunod sunod na misa na ginanap noong Biyernes ay may nauna nang mga Prayer Vigils, na sunod sunod ding isinagawa naman noong Miyerkules, August 13, 2014, kung saan nagsuot din ng itim na damit ang mga BulSUans mula sa iba’t ibang kurso, karamihan ay galing sa College of Home Economics (CHE), at nakiisa sa pananalangin.
Nauwi sa isang malaking trahedya ang Bulacan Tour ng mahigit sa isang daang 1st year Tourism Students ng Bulacan State University nang anurin ng rumaragasang flash flood ang labin-dalawang estudyante ng nasabing kurso, na nagdulot ng agarang pagkamatay ng pitong estudyante. Ang pitong estudyanteng nasawi sa trahedya ay sina Mikhail Alcantara, Michelle Ann Rose Bonzo, Helena Marie Marcelo, Sean Rodney Alejo, Jeannette Rivera, Mary Magdaline Navarro, at Maiko Eleva Bartolome. Nakakdang ihatid kanyang huling hantungan si Sean Rodney Alejo ngayong araw (Sabado, August 23), habang sina Maiko Bartolome, Helena Marie Marcelo, Jeanete Rivera, at Mikhail Alcantara naman ay bukas ililibing (Linggo, Ausgut 24). Samantalang, sina Mitch Bonzo at Madel Navarro naman ay sunod na ililibing sa Miyerkules (August 27).
0 Comments
Your comment will be posted after it is approved.
Leave a Reply. |
Mga balitang bumabalangkas
sa pangaraw-araw na kasaysayan. Bea Velasco 21 Archives
November 2014
Categories
All
|