Matagal nang nirerekomenda sa akin ng mga kaibigan ko ang Tuesdays with Morrie ni Mitch Albom. Ika nila, basahin ko raw dahil maganda raw at malalim ang librong ito. Puno raw ng aral tungkol sa buhay. Tinangka ko namang basahin ito, ngunit di ko matapos tapos. Ang dating niya sa akin ay mabagal, parang di ko ata tiipo. At bakit nga ba hindi? Sa aking pagkakaalala, tungkol ito sa isang guro na nagnanais ibahagi sa kanyang estudyante (Mitch Albom), kung ano ang kahulugan ng buhay at kamatayan, sa pamamagitan ng pagobserba nito sa kanyang buhay, habang papalapit siya sa kanyang kamatayan. Ni sa hinagap hindi ko inakalang magagamit ko pala ang paralelismo ng Tuesdays with Morrie sa pagpapakilala sa isa sa mga pinakaimportanteng guro na nagkaroon ako. Ugali ni Sir Bernardino “Dino” B. Balabo na pumasok ng tatlumpo hanggang animnapung minutong late sa kanyang klase. Suot ang kanyang nakatuck in na polo shirt, at bitbit ang kanyang napakalaking backpack sa likod, lalakad siya sa kabuuan ng CAL corridor, pumapadyak na may malalaki at mabilis na hakbang. Darating siya sa klase na mukhang bugnutin at wala sa tamang timpla, kaya walang nagtatangkang makipagngitian sa kanya. Ngunit,‘pag sinimulan na niyang basahin ang pangalan ng kanyang mga estudyante upang tiyakin ang mga present at absent, unti unting gagaan ang hangin sa loob sa paligid, at ilang saglit pa, nagtatawanan na ang lahat. Nakasanayan na niyang magbigay ng taguri sa kanyang mga estudyante. Ang apelyidong “Magno” ay nagiging “Magyes”, ang pangalang “Maey” ay nagiging “Ma-bi”, tinatawag niyang “Lea” ang isa sa mga estudyante niyang may apelyidong “Salonga”, binibiro niya ng “Mama Bear” ang isa sa mga estudyante niyang may katabaan. Mga mumunting pangbubuska at kakulitan na hindi mo aakalaing magmumula sa isa sa mga pinakapipitagang lokal na mamamahayag ng Bulacan, na kung itatapat mo sa lahat ng kanyang mga naabot na mga parangal at pagkilala, mapapakamot ka na lang ng ulo at matatawa. Hindi niya kinukuha ang kanyang leksyon mula sa isang papel. Ang curriculum na kanyang ginagamit ay hindi computerized, hindi printed. Walang nag isip o nagsulat ng kung ano ang ituturo niya. Siya mismo ang nagdedesisyon. Ang buhay at karanasan niya mismo bilang isang Journalist ang pagbabatayan ng klase. Hindi pa siya nakuntento, nag-organisa pa siya ng mga seminars para sa kanyang mga estudyante, mga seminars na walang bayad, napapanahon, at lubos na esensyal. Ito at ang mga taong ginugol niya sa kanyang serbisyo bilang isang manunulat ay s'yang magiging balangkas at lalamanin ng buong tatlong oras ng klase. At mula sa mga binabahagi niya, nahigitan nito ang naunang dalawang taong pamamalagi ng kanyang mga estudyante sa kanilang kurso. At kung iisipin na isa lang siyang part-timer, isang bagay ito na lamang niya sa ibang guro. Magsisimula ang klase mula sa kanyang pagkekwento, dadaloy sa kanyang mga nakalipas at kasalukuyang ala ala, may kaakibat pang paalala na “Kaya ko ito sinasabi sa inyo para ‘pag kayo na ang makakaranas ng mga ito, alam niyo na.”, at magtatapos sa mga bilin niyang seminars at susulating artikulo. Kung sasagad pa ang kakulitan, bubuskahin niya pa ang klase na magshift na lang sa ibang kurso dahil ang Journalism ay isang seryosong propesyon. Maraming pagkakataon na sinasagad niyang ang tatlong oras, lalo na kung napasarap ang kanyang kwento, bagay na madalas pagbuntong hingaan ng ilan sa likod ng klase. Ganyan ang pattern ng bawat hapon ng Lunes ng BAJ 3A sa piling niya. Mga maliliit na detalyeng malimit na binalewala, at siyang muling naalala noon lamang nawala siya. Ang huling ala-ala ng kanyang dalawang klase, BAJ 3A at BAJ 4A, kasama siya ay mula sa isang seminar na inorganisa ng guro. Agusto 30, Sabado, nang inabot ang certificate of recognition kay Sir Dino, ang huling sertipiko na natanggap niya, sumigaw ng “Mabuhay! Mabuhay!” ang buong BAJ 3A. Nangiti ang guro, natawa, at humarap sa klase, sabay kaway. Sa mga oras na yon, simpleng pagsakay sa biro lamang ang kaway na 'yon. Wala namang mag-aakalang kaway ng paglisan na pala ‘yon. Kung may nakahula man lang na sa sumunod na Lunes, Setyembre 1, ay mamaalam na ang guro sa kanyang mga estudyante, higit pa sa simpleng kawayan ang mangyayari. Ngunit, sa gurong katulad ni Sir Dino, may magtatangka bang isipin 'yon? Pwedeng sabihin na ang kwento sa Tuesdays with Morrie ay kahawig ng naging karanasan ng mga estudyante ni Sir Dino kasama siya. Pero may pagkakaiba rin. Sa libro, una pa lang, hinayag na ni Morrie na siya ay papanaw na. Anticipated ang kanyang kamatayan. Inaabangan. Binibilangan. Binigyan ng perspektibo ang estudyante na kahit anong araw ay iiwanan siya ng kanyang guro. Naabot niya ang dulo. Naituro niya ang kanyang bersyon ng buhay sa paglatag niya ng kanyang nalalabing mga araw sa mundo. Pinaghandaan ang daloy ng magiging klase. Biglaan ang pagkamatay ni Sir Dino. Walang nag-aabang. Walang nagbibilang. Walang nagsususpetya. Ang lahat ay umaasa na may susunod pang klase. Ang lahat ay umaasang masusundan pa ang kanyang seminar. Ang lahat ay umaasang pagbukas ng kani-kanilang Facebook account, mula kay Sir Dino ang unang notipikasyon. Parang isang malakas na pitik, yaong nakakagulat na uri ng pitik, yaong nagmamarka. Mabilis, at higit pa sa nakakabigla: nakakapanlumo. Nasa kalagitnaan pa lang ng kwento, bumaba na ang telon. Naituro niya ang bersyon niya ng buhay sa paraang ang lahat ay nahuling hindi handa, na ang lahat ay umaasa pang babalikan siya, pasasalamatan, at pararangalan pagkatapos ng kanilang pagaaral, na ang ilan ay umaasa pang makakasama siyang magsulat sa dyaryong kaniyang tahanan. Pero ang pagkakahawig nilang dalawa, ang uri ng pagpapahalaga nila sa kanilang mga estudyante. Hinugot nila sa sarili nilang buhay at mga gunita ang leksyon ng buong semestre, sa pag-asang mula sa kanilang mga personal na karanasan ay maipapasa nila ang ideyalismo at pagpapakataong kailangang matutunan ng kanilang mga tinuturuan, sa pag-asang mula sa mga personal nilang kwento ay makikita sila ng mga ito na higit pa sa pagiging guro: bilang mga kaibigan at ama na handa silang saluhin, itama, at pakinggan. At sa mga ala ala ng dalawang guro, sa mga ala alang iniwan ni Sir Dino, sisibol ang mga magpapatuloy ng kaniyang sinimulan. Paalam, Sir Dino. Maraming salamatsa lahat.
0 Comments
|
Mga balitang bumabalangkas
sa pangaraw-araw na kasaysayan. Bea Velasco 21 Archives
November 2014
Categories
All
|