Matagal nang nirerekomenda sa akin ng mga kaibigan ko ang Tuesdays with Morrie ni Mitch Albom. Ika nila, basahin ko raw dahil maganda raw at malalim ang librong ito. Puno raw ng aral tungkol sa buhay. Tinangka ko namang basahin ito, ngunit di ko matapos tapos. Ang dating niya sa akin ay mabagal, parang di ko ata tiipo. At bakit nga ba hindi? Sa aking pagkakaalala, tungkol ito sa isang guro na nagnanais ibahagi sa kanyang estudyante (Mitch Albom), kung ano ang kahulugan ng buhay at kamatayan, sa pamamagitan ng pagobserba nito sa kanyang buhay, habang papalapit siya sa kanyang kamatayan. Ni sa hinagap hindi ko inakalang magagamit ko pala ang paralelismo ng Tuesdays with Morrie sa pagpapakilala sa isa sa mga pinakaimportanteng guro na nagkaroon ako. Ugali ni Sir Bernardino “Dino” B. Balabo na pumasok ng tatlumpo hanggang animnapung minutong late sa kanyang klase. Suot ang kanyang nakatuck in na polo shirt, at bitbit ang kanyang napakalaking backpack sa likod, lalakad siya sa kabuuan ng CAL corridor, pumapadyak na may malalaki at mabilis na hakbang. Darating siya sa klase na mukhang bugnutin at wala sa tamang timpla, kaya walang nagtatangkang makipagngitian sa kanya. Ngunit,‘pag sinimulan na niyang basahin ang pangalan ng kanyang mga estudyante upang tiyakin ang mga present at absent, unti unting gagaan ang hangin sa loob sa paligid, at ilang saglit pa, nagtatawanan na ang lahat. Nakasanayan na niyang magbigay ng taguri sa kanyang mga estudyante. Ang apelyidong “Magno” ay nagiging “Magyes”, ang pangalang “Maey” ay nagiging “Ma-bi”, tinatawag niyang “Lea” ang isa sa mga estudyante niyang may apelyidong “Salonga”, binibiro niya ng “Mama Bear” ang isa sa mga estudyante niyang may katabaan. Mga mumunting pangbubuska at kakulitan na hindi mo aakalaing magmumula sa isa sa mga pinakapipitagang lokal na mamamahayag ng Bulacan, na kung itatapat mo sa lahat ng kanyang mga naabot na mga parangal at pagkilala, mapapakamot ka na lang ng ulo at matatawa. Hindi niya kinukuha ang kanyang leksyon mula sa isang papel. Ang curriculum na kanyang ginagamit ay hindi computerized, hindi printed. Walang nag isip o nagsulat ng kung ano ang ituturo niya. Siya mismo ang nagdedesisyon. Ang buhay at karanasan niya mismo bilang isang Journalist ang pagbabatayan ng klase. Hindi pa siya nakuntento, nag-organisa pa siya ng mga seminars para sa kanyang mga estudyante, mga seminars na walang bayad, napapanahon, at lubos na esensyal. Ito at ang mga taong ginugol niya sa kanyang serbisyo bilang isang manunulat ay s'yang magiging balangkas at lalamanin ng buong tatlong oras ng klase. At mula sa mga binabahagi niya, nahigitan nito ang naunang dalawang taong pamamalagi ng kanyang mga estudyante sa kanilang kurso. At kung iisipin na isa lang siyang part-timer, isang bagay ito na lamang niya sa ibang guro. Magsisimula ang klase mula sa kanyang pagkekwento, dadaloy sa kanyang mga nakalipas at kasalukuyang ala ala, may kaakibat pang paalala na “Kaya ko ito sinasabi sa inyo para ‘pag kayo na ang makakaranas ng mga ito, alam niyo na.”, at magtatapos sa mga bilin niyang seminars at susulating artikulo. Kung sasagad pa ang kakulitan, bubuskahin niya pa ang klase na magshift na lang sa ibang kurso dahil ang Journalism ay isang seryosong propesyon. Maraming pagkakataon na sinasagad niyang ang tatlong oras, lalo na kung napasarap ang kanyang kwento, bagay na madalas pagbuntong hingaan ng ilan sa likod ng klase. Ganyan ang pattern ng bawat hapon ng Lunes ng BAJ 3A sa piling niya. Mga maliliit na detalyeng malimit na binalewala, at siyang muling naalala noon lamang nawala siya. Ang huling ala-ala ng kanyang dalawang klase, BAJ 3A at BAJ 4A, kasama siya ay mula sa isang seminar na inorganisa ng guro. Agusto 30, Sabado, nang inabot ang certificate of recognition kay Sir Dino, ang huling sertipiko na natanggap niya, sumigaw ng “Mabuhay! Mabuhay!” ang buong BAJ 3A. Nangiti ang guro, natawa, at humarap sa klase, sabay kaway. Sa mga oras na yon, simpleng pagsakay sa biro lamang ang kaway na 'yon. Wala namang mag-aakalang kaway ng paglisan na pala ‘yon. Kung may nakahula man lang na sa sumunod na Lunes, Setyembre 1, ay mamaalam na ang guro sa kanyang mga estudyante, higit pa sa simpleng kawayan ang mangyayari. Ngunit, sa gurong katulad ni Sir Dino, may magtatangka bang isipin 'yon? Pwedeng sabihin na ang kwento sa Tuesdays with Morrie ay kahawig ng naging karanasan ng mga estudyante ni Sir Dino kasama siya. Pero may pagkakaiba rin. Sa libro, una pa lang, hinayag na ni Morrie na siya ay papanaw na. Anticipated ang kanyang kamatayan. Inaabangan. Binibilangan. Binigyan ng perspektibo ang estudyante na kahit anong araw ay iiwanan siya ng kanyang guro. Naabot niya ang dulo. Naituro niya ang kanyang bersyon ng buhay sa paglatag niya ng kanyang nalalabing mga araw sa mundo. Pinaghandaan ang daloy ng magiging klase. Biglaan ang pagkamatay ni Sir Dino. Walang nag-aabang. Walang nagbibilang. Walang nagsususpetya. Ang lahat ay umaasa na may susunod pang klase. Ang lahat ay umaasang masusundan pa ang kanyang seminar. Ang lahat ay umaasang pagbukas ng kani-kanilang Facebook account, mula kay Sir Dino ang unang notipikasyon. Parang isang malakas na pitik, yaong nakakagulat na uri ng pitik, yaong nagmamarka. Mabilis, at higit pa sa nakakabigla: nakakapanlumo. Nasa kalagitnaan pa lang ng kwento, bumaba na ang telon. Naituro niya ang bersyon niya ng buhay sa paraang ang lahat ay nahuling hindi handa, na ang lahat ay umaasa pang babalikan siya, pasasalamatan, at pararangalan pagkatapos ng kanilang pagaaral, na ang ilan ay umaasa pang makakasama siyang magsulat sa dyaryong kaniyang tahanan. Pero ang pagkakahawig nilang dalawa, ang uri ng pagpapahalaga nila sa kanilang mga estudyante. Hinugot nila sa sarili nilang buhay at mga gunita ang leksyon ng buong semestre, sa pag-asang mula sa kanilang mga personal na karanasan ay maipapasa nila ang ideyalismo at pagpapakataong kailangang matutunan ng kanilang mga tinuturuan, sa pag-asang mula sa mga personal nilang kwento ay makikita sila ng mga ito na higit pa sa pagiging guro: bilang mga kaibigan at ama na handa silang saluhin, itama, at pakinggan. At sa mga ala ala ng dalawang guro, sa mga ala alang iniwan ni Sir Dino, sisibol ang mga magpapatuloy ng kaniyang sinimulan. Paalam, Sir Dino. Maraming salamatsa lahat.
0 Comments
Pagpapamalas ng naging papel ni Gat.Marcelo H. Del Pilar sa kasalukuyang mukha ng lokal na peryodismo sa Bulacan. Sa ganitong mensahe umikot ang naging talakayang inorganisa ng Bulacan Press Club, kasama ang ilan sa mga local na pahayagan ng lalawigan ng Bulacan tulad ng Newscore, Mabuhay, Luzon Times, Reflector, The Bulacan News Catcher , at Bulacan Herald bilang pagpupugay sa kadakilaan ni Gat. Marcelo H. Del Pilar, at bilang parte na rin ng pagdiriwang sa ika-164 na kaarawan ng nasabing bayani. Ang talakayan ay pinamagatang “Talakayan: Si Gat. Marcelo H. Del Pilar at Ang Papel ng mga Lokal na Pahayagan sa Bulacan Tungo sa Mabuting Lipunan” at naganap noong Setyembre 2, ala-una ng hapon, sa Francisco Balagtas Hall, Hiyas ng Bulacan. Ang kumperensiya ay dinaluhan ng iba’t ibang lokal na journalists sa Bulacan, mga social media users na miyembro ng Balitang Malolos Facebook Group, at mga 3rd year Journalism students ng Bulacan State University. Siyam ang nahirang na tagapagsalita ng nasabing kumperensiya, lahat ay galing sa iba’t ibang larangan. Naroon sina G.Perfecto V. Raymundo, isang dinadakilang Bulakenyong mamamahayag at isa ring associate editor ng Mabuhay; G. Bong Enriquez, isang kilalang icon ng kultura’t sining ng Bulacan; G. Isagani Giron ang kasalukuyang presidente ng Bulacan Salinlahi Inc.; ang historical researcher na si G. King Cortez; ang historian at isa ring propesor ng De La Salle University na si G. Michael Charlestion B. Chua; si G. Joey Munsayac, ang may-ari ng The Luzon Times, at isa ring kilalang mahusay na journalist at environmentalist; si G. Lamberto Santos, ang publisher ng Reflector, ang pinakamatandang lokal na pahayagan sa Bulacan; si G. Jose Roy Reyes, publisher ng The Bulacan News Catcher; at si Bro. Martin Francisco, isang misyonero, environmental icon ng Pilipinas at ang umuupong chairperson ng Sagip Sierra Madre Environmental Society. Ang bawat tagapagsalita ay naglatag ng kanilang sariling talumpati ukol sa iba’t ibang paksa. Inihayag ni G. Perfecto “Tata Piping” V. Raymundo, ang naging kasaysayan ng pamamahayag sa nasabing probinsya. Sa edad na 81, nagbigay sulyap si G.Raymundo sa simula ng mga pahayagan sa Bulacan. Aniya, taong 1898 nagsimula ang peryodismo sa Pilipinas. Binigyan din niya ng pagkilala ang mga kasalukuyang pahayagan sa Bulacan, na naroon sa nabanggit na kumperensiya. Siniwalat rin niya ang mga kakambal na sakripisyo ng sinomang nagnanais na magtatag ng isang pahayagan sa Bulacan, tulad kinakailangang bilis at liksi ng pagsagap ng mga sariwa at makabuluhang balita, sukat ng mga titik kinakailangan sa isang balita, at ang mga pinansyal na suportang malimit na nagiging isyu sa pagpapalimbag ng isang pahayagan. “May mga nagtagumpay at patuloy na naninilbihan sa mga mamamayan, sa pagpapahayag ng katotohanan. May mga umaayaw dahil sa hirap na dinaranas upang mairaos ang kada labas ng pahayagan. Kaya nga ayokong makakakita ng mga pahayagan na pinambabalot ng tinapa sapagkat ang mga salitang nakalimbag dito ay pinagisipan, pinagpaguran, at pinagpawisan sa kabila ng mga balakid ng isang pahayagan. Bawat sipi ng pahayagan nabuo ay pagsasalaysay ng katotohanan kung sino, ano, kalian, saan, paano, at bakit ng panahong kasalukuyan, upang pagsilbihan ang taumbayan.” Aniya ni G. Raymundo. Ikinwento naman ni G. Isagani Giron ang mga naging karanasan niya bilang isang media practitioner noong panahon ng Martial Law. Aniya, naging isang malaking inspirasyon sa kanya ang kabayanihan ni Gat. Del Pilar, lalo na noong mga panahon na iyon. Ayon sa kanya, iyon ding panahon na iyon ay ang nagtulak sa kanya upang magsulat ng isang tulang pinamagatang “Tulisan” at “Kristo ng Bayan”, mga tulang lumalarawan sa kalupitan ng mga Kastila at Batas Militar, sa ilalim ng pen name na Fr. Jose Eusebio. Ang tulang “Kristo ng Bayan” ay kumalat sa iba’t ibang dyaryo, at sinasabing kumakatawan sa panahon ng Martial Law. Ipinahayag naman ni G. King Cortez ang naging kontribusyon ni Gat. Marcelo H. Del Pilar sa kasaysayan ng Kataas-taasan Kagalang- galangang Katipunan ng mga Anak ng Bayan (KKK). Ayon sa kanyang mga dalang dokumento’t larawan, ang nabanggit na bayani ang syang tunay na utak at ama ng Katipunan, taliwas sa alam ng nakararami. Iginiit din ng historical researcher na tubong Cavite na dapat ay magkaroon ng malalimang pananaliksik upang mapatunayan ang kanyang natuklasan. Sumentro ang naging talakayan sa pagiging journalist ni Gat. Marcelo H. Del Pilar, sa pangunguna ni Prof. Michael Charlestion B. Chua. Sa kanyang presentasyon, inisa-isa ng historyador ang mga mahahalagang pangyayari sa buhay ng nabanggit na bayani, mula sa pamumuhay ni Gat. Del Pilar sa Bulakan, Bulacan, hanggang sa paninirahan nito sa Espanya. Inilatag din ni Prof. Chua ang naging papel ng bayani sa pamamahayag, na ayon sa kanya ay ang syang tunay na nagpasimula ng kultura ng peryodismo sa organisasyon ng mga iskolar na Pilipino sa Espanya, isang bagay na hindi nagawa ng mga nauna sa kanya doon na si Gat. Jose Rizal at ng iba pang First Filipinos. Inusig naman ng propesor ang lahat ng naroon sa talakayan. Aniya, dapat ay magsumikap pa ang mga naroon upang mapagpatuloy ang mag nasimulan ng nabanggit na bayani. “Ang sabi ni Rizal: Bakit di tayo nagkaroon ng isang daang Marcelo H. Del Pilar? Bakit daw di magkaroon ng isang daang Marcelo H. Del Pilar? Ang sagot niyo: ‘Ito na po! Ito na po ang isang daang Marcelo H. del Pilar!” pagtatapos ni Prof. Chua. Mas lalo namang binigyang pagpapahalaga ni G. Joey Munsayac, isang propesor sa Polytechnic University of the Philippines at pinagpipitagang dyarista at komentarista sa radyo, ang depinisyon ng lingguhang pahayagan sa Bulacan, ang kabuuang pagtanaw sa kasalukuyang kalagayan ng ito, at papel nito sa lipunan. Aniya, dapat ay mapalakas nga presensya ng lokal na mga pahayagan sa bayan ng Bulacan, at huwag masindak sa mga ikakaso laban sa kanila. “Ang mamamahayag ay nagiging mamamahayag lamang pag nagsasabi siya ng katotohanan. Bago ka magtagumpay, huwag kang matakot humipo ng baga. Huwag kang matakot magsabi ng totoo.”, dagdag pa niya. Inisa isa naman ni G. Lamberto Santos ng Reflector ang positibo at negatibong mga pangyayaring maaaring kaharapin ng isang naglilimbag ng lingguhang pahayagan. Higit niyang binigyang pansin ang kakaharaping pinansyal na suliranin ng mga may gustong magtatag ng isa. Ngunit, higit pa sa pinansyal na problema ng isang pahayagan, mahalaga pa rin na isapuso ng mga estudyante ang pagsasabi ng katotohanan. “Nararapat lamang na bilang Journalism Students na isapuso niyo ang pagsasabi ng katotohanan. Maging mapagmatyag at mapanuri.”, aniya ni G. Santos. “Ang Media ang magpapabagsak sa gobyerno!”, matapang na pahayag naman ni G. Jose Roy Reyes ng The Bulacan News Catcher. Binigyang pansin niya ang malaking nagagawa ng media para maipahiwatig sa taumbayan ang kinakailangan nilang malaman, at isa sa mga nabanggit niyang halimbawa ay ang naging trahedya sa Madlum River, kung saan ay pitong 1st year students ang namatay. Aniya, kailangang lumawaka ng pananaw sa nasabing trahedya at sumentro sa angulo environmental reporting, sa halip na simpleng kapabayaan lamang.
Nananawagan naman ng mas malaking atensyon at media coverage si Bro. Martin Francisco, isang environmental icon at isa rin sa mga nangangalaga sa tribo ng mga Dumagat sa bayan ng Angat, upang mas maipahayag ang mga kasalukuyang nagaganap sa ating kalikasan. Ayon sa kanya, kung ang mga simpleng balita ng patayan na nagaganap lamang sa kanto ay naibabalita, dapat ay mas mabalita ang nangyayari sa kabundukan, na ayon sa kanya ay unti unting nasisira dahil sa mga iligal na gawain sa dito tulad ng iligal na pagtotroso, pagmimina, at quarrying. Bilang pagtatapos ng talakayan, sinabi ni G. Bong Enriquez, katulad ng mga naunang tagapagsalita, binigyang pagpapahalaga rin niya ang kabayanihan at naiwang ala-ala ng bayaning si . Gat. Del Pilar. Hinamon niya ang mga nagsipagdalo na ipagpatuloy ng kasalukuyang henerasyon ang mga naiwang kontribusyon ng bayani. Ang kabuuan ng talakayan ay lubo na inialay naman sa batikang mamamahayag at dyaristang si G. Bernardino B. Balabo, na syang binawian ng buhay noong nakaraang Lunes, Setyembre 1 ng taong kasalukuyan. Ang nabanggit na journalist ay may edad na 45, at yumao dulot ng atake sa puso. |
Mga balitang bumabalangkas
sa pangaraw-araw na kasaysayan. Bea Velasco 21 Archives
November 2014
Categories
All
|