City of Malolos, Bulacan - Isa ang isyung Development Fee o Dev Fee sa mga hindi matapos tapos na diskusyon sa loob ng Bulacan State University. Umigting pa lalo ang usapan hinggil dito nang naglabas ng resolusyon an Commision on Higher Education o CHED noong 2012, na nagsasabing ang nabanggit na bayarin ay iligal at dapat nang itigil.
Noong unang isinama ang Dev Fee sa bayarin ng bawat estudyante noong 2004, ang Partido-Pagkakaisa ng Demokratikong Mag-aaral o PDM, isang politikal na organisasyon sa loob ng unibersidad, ang nanguna sa pagtutol nito. Sa loob ng sampung taon, mula 2004 hanggang sa taong kasalukuyan, nagsagawa ang partido ng mga konsultasyon, open forums, at kilos protesta, kaakibat ang masang estudyante, upang maiparating sa administrasyon ng nasabing unibersidad ang mariin nilang pagtuligsa laban sa Dev Fee. Nanatili naming tahimik ang Alliance of Students for Action and Progress o ASAP, isa ring politikal na organisasyon sa BulSU, patungkol sa naiulat na bayarin. Ayon sa kanila, esensyal ang pangongolekta ng Dev Fee dahil ayon sa kanila, ito naman daw ay nagagamit para sa ikabubuti ng unibersidad. Ngunit, ang paniniwala nilang ito’y naiba simula nang madeklara ng CHED ang Dev Fee bilang iligal. Ayon sa ASAP, sa pangunguna ng SG President na si Michael Santos na nagmula sa kanilang partido, nagsasagawa nasila ng mga aksyon hinggil dito. Nang itanong naman kung payag ba sila sa refund, parehong sinabi ng mga partido na kasalukuyan nilang pinagaaralan at isinusulong ito. Iba-iba naman ang naging reaksyon ng masang estudyante tungkol sa usapin ng Dev Fee, ngunit karamihan sa kanila’y may magkakaparehong opinyon. Ayon kay Reyel Inocencio ng College of Arts and Letters, sumasang-ayon siya sa refund ngunit hindi dapat mapunta sa mga estudyante ang maibabalik sa salapi. “Kailangan sa magulang mapunta o dapat may consent ng magulang para makuha (nila ang refund)”, ayon kay Inocencio. Ayon naman kay Kim Novie Pagdanganan, isang 4th year Broadcasting student, sangayon rin siya sa pagrerefund ngunit ang tanong niya ay kung paano maibabalik sa estudyante ang pera. “Siguro iawas na lang sa tuition fee.” Dagdag pa ni Pagdanganan. Saad naman ni Daniel Briongos, 3rd year student ng parehong kurso, hindi naman raw niya dama ang epekto ngDev Fee na siningil mula sa kanya. Mas mabuti pa raw na tanggalin ito. Ang sabi naman ni Ronna Jane Manzanes, ComTech student, hindi niya alam ang nasabing resolusyon ng CHED. Ang tanging alam lang daw niya ang sinasabing refund ng Dev Fee, at ayon sa kanya, pumapayag siya rito. Mabagal naman raw ang development na dapat sana’y hated ng sinisingil sa kanyang 500 Php Dev Fee, ayon kay Eldrid Genesis Santos ng Bachelor of Science in Information Technology. Hindi niya raw dama ang pagbabago kaya’t mainam pa raw na ibalik nalang sa estudyante ang nasabing halaga. “Dapat magkaroon ng refund kasi CHED na ang nag-order na iligal ang Development Fee, kaya dapat na ibalik lang.” Dagdag pa ni Santos. Hindi naman natutuwa sa Development Fee si Irish Kate Reyes, isang Computer Engineering student. Aniya, katulad ng mga naunang opinyon, ibalik na lang daw sa estudyante angDev Fee. “Pinaglololoko lang nila ang mga estudyante. Ok lang naman kung nagagamit ng tama. Kaya lang di ko ‘yon makita eh. Ngayon ko lang nakikita in terms of renovations sa BSU, kung kalian nagkaron ng issue about sa refund ng development fee. Kalokohan yan.” Angal ni Reyes. Refund din ang sabi ni Vince AljoNacar, isang BSIT student rin. “Sa dami-dami natin na students na nagbabayad non, tiyak malaki na (ang) nalilikom nila pero di ko maramdaman na nagkakaroon nang development ang BSU.” agam agam ni Nacar Ayon naman kay Cherry Anne Rivera ng parehong kurso, ayon sa kanyang mga pinagtanungang kaibigan ay wala naman raw silang binabayarang Development Fee sa kanikanilang unibersidad. Ang tanong niya ay kung bakit sa BulSU ay mayroong Dev Fee na binabayaran ang mga estudyante, gayong sa ibang eskwelahan naman ay wala. Neutral naman ang palagayni Salve AngeluzDalmacio, isang 2nd year Journalism student. “Sa tingin ko po kasi, nagamit nang unibersidad ang fees saiba't ibang projects na sa tingin ko naman ay nakinabang ang mga estudyante kahit papaano. Ang useless po pag may refund, aanhin ‘yon ng ibang estudyante? Panggagala lang nila ‘yon. On the other hand, okay naman siya (i-refund). Wala ring masama kung napagdesisyunan ng administrasyon na magbigay ng refund” saad ni Dalmacio Ang Development Fee ay ang dagdag 600 Php na sinisingil mula sa estudyante na diumano ay para sa mga proyekto ng nasabing unibersidad. -may mga kaugnay na istorya galing kina Simon Oliver Vigan, Romar Yago, Angelica Tagatac, Lhealyn Victoria, at Irah Jean Udasco
0 Comments
Your comment will be posted after it is approved.
Leave a Reply. |
Mga balitang bumabalangkas
sa pangaraw-araw na kasaysayan. Bea Velasco 21 Archives
November 2014
Categories
All
|