CITY OF MALOLOS, Bulacan-- Natunghayan ng buong bansa ang pangalawa sa huling SONA ni President Benigno S. Aquino III na ginanap noong nakaraang Lunes, july 28, 2014, mula sa Batasang Pambansa Complex, Quezon City. Inilatag ni Pres. Aquino, o PNoy, ang ilan sa mga nakamit ng kanyang administrasyon sa larangan ng Edukasyon, Industriya at Imprastraktura, Social Welfare, at mga pagbabago sa Hukbong Sandatahan. Nagsalita rin si PNoy ukol sa mga kalagayan ng biktima ng Yolanda sa Tacloban at sa mga biktima ng Zombaonga Siege noong nakaraang Taon Sinasabi na sa apat na naunang SONA, ang ikalimang SONA ay tinuturing na pinakamahaba sapagkat ito’y tumagal ng isa’t kalahating oras. Tinagurian din na ito ang pinakaemosyonal dahil sa pagpipigil ng pangulong maluha nang mabanggit niya ang pangalan ng kanyang mga magulang na sina dating Sen. Benigno ‘Ninoy’ Aquino Jr. at dating pangulong Corazon ‘Cory’ Aquino. Nagkaroon ng iba’t ibang reaksyon mula sa taumbayan ukol sa nangyaring SONA. Ayon kay Jessa Grace Olesco, isang Journalism Student ng Bulacan State University, siya’y nadismaya sa SONA ni PNOy. Ayon sa kanya, maraming hindi nabanggit ang Pangulo na dapat sana’t nabanggit. “Nawala ang patungkol sa FOI, sistema ng edukasyon, pagpapanagot sa mga nagkasala sa PDAF scam, at higit lalo sa Hacienda Luisita at reporma sa lupa. Mas naging dramatic ang SONA instead of being comprehensive.” Dagdag pa ni estudyante Ayon naman kay Darla Maey Sumalinog, isang Student Intern ng Manila Bulletin, dinaan sa luha ni PNoy ang kanyang SONA upang makuha ang simpatya ng masa. “Dama na ng Pangulo ang unti-unting pagkawala ng tiwala ng taong-bayan sa kanya. Paano niya ulit makukuha ang pulso ng masa? Simpatya. Nilabas niya ulit yung mahiwagang baraha na ginamit niya para maluklok sa pwesto--Ninoy and Cory.” Pahayag ni Sumalinog. Ang sabi naman ni Marcelino Jacob, isang magsasaka ng Brgy. Balayong, City of Malolos, siya raw ay wala nang paniwala sa SONA ng Pangulo. Ang tanong niya, kung tuay diuamano ang mga paratang sa mga kaalyado ng Pangulo, bakit raw hindi napapanagot ang mga ito. Pinabulaan naman ni Jane Manzanes, isang Computer Technology Student ng Bulacan State University at isa sa mga biktima ng Bagyong Yolanda, ang mga pahayag ng Pangulo ukol sa mga ginawang pagtulong ng administrasyon sa mga nasalanta ng nasabing bagyo. Si Jane ay dating nagtatrabaho sa Tacloban nang tumama ang Yolanda sa probinsya. “Ako po ay nalulungkot dahil ang mga sinabi po niya (Pnoy) ay malayo sa katotohanan. Yung sinasabi po ng Pangulo na nasa rehabilitation phase na ang Tacloban ay di totoo, dahil marami pa rin po ang nakatira sa mga tents. Marami pa rin po ang wala pa ring bahay. Marami pa rin pong naghihirap at walang trabaho.” Ayon pa sa dalaga, “Work for Food Program”, isang programa kung saan nagbibigay ng librang pagkain sa mga nasalanta ng Yolanda kapalit ng ilang oras ng pagrerepack ng mga relief, na sinagawa ng pamahalaan noong nakaraang taon ay hindi raw epektibo sapagkat hindi naman raw binibigyan ng pagkain ang mga nagboluntaryo para sa programa na ito. Hindi raw binigyan ng pagkain ang kanyang ate, na siyang nakibahagi sa nabanggit na programa. Para naman kay Monika Kaye Agustin, isang High School teacher ng Bulacan Ecumenical School, naipalabas ng pangulo ang isa pang parte ng kanyang katauhan. Ayon sa guro, naipakita ng pangulo na siya rin ay nagiging emosyonal kung minsan, kabaligtaran ng lagi niyang pinapakitang katatagan at katapangan. Pahayag naman ni Rollyvic Tira, isang pastor ng Greenhills Christian Fellowship, positibo ang dating ng SONA para sa kanya. Ayon sa kanya, nailahad naman ng mabuti ng Pangulo ang mga naiambag ng kanyang pamumuno sa masa. “Malaking ginhawa sa aking pangaraw-araw na buhay ang pagpapatupad ng mga proyektong pang-transportasyon lalo na ung sa EDSA at Northern Luzon. Nabigyan din ako ng kompyansa sa kaniyang katatayuan sa DAP. Una sa lahat nakakapayapa ng isip na kampante siya sa katwiran nito at handa niyang ipaglaban ang kaniyang mga pinaniniwalaan” Pahayag ng pastor.
0 Comments
Your comment will be posted after it is approved.
Leave a Reply. |
Mga balitang bumabalangkas
sa pangaraw-araw na kasaysayan. Bea Velasco 21 Archives
November 2014
Categories
All
|